Friday, November 1, 2013

CESAR’S COLLECTION

PASAPORTE-BY-JR-LANGIT LIBRO, alahas, stamps, laruan, mga damit, sumbrero at marami pang iba. Ilan lang ‘yan sa mga bagay na kinokolekta at pinahahalagahan ng ilan sa atin. Ano nga ba ang dahilan kung bakit nahihilig ang ibang kababayan natin sa pangongolekta?


Sa San Francisco, USA ay nakilala ko si Cesar Magat, ang Pinoy collector na mahilig sa pangongolekta ng mga sapatos.


Sa Amerika na lumaki at nag-aral si Cesar, isa sa mga bagay na nakakuha ng aking atensyon ay ang kanyang libangan at hilig sa pangongolekta ng mga Jordan na rubber shoes, na pinasikat ng basket ball legend na si Michael Jordan.


Ayon kay Cesar, nasa high school pa lang siya nang makahiligan niyang mangolekta ng mga Jordan na rubber shoes, at kung noong una ay pailan-ilan lamang ang kanyang koleksyon, ngayon, umabot na ito sa mahigit isandaang pares, na ayon na rin sa kanya ay hindi niya ginagamit kundi pang-display lamang.


Iba’t iba ang kulay, estilo at disenyo ng Jordan shoes kaya naman kapag may bagong edisyon na lumabas sa merkado, isa si Cesar sa mga kolektor na nakikipagsiksikan, nakikipagpuyatan at nakikipag-agawan dito ng kahit ilang araw, lalo na kung limitado ang suplay.


Bukod sa limitadong bilang ng Jordan shoes na maaaring mabili, may kamahalan din ang isang pares ng sapatos na ito na kung minsan ay umaabot sa tatlong da-ang dolyares o higit pa ang presyo, kaya naman noong nagsisimula pa lamang sa kanyang libangan si Cesar ay kinailangan pa niyang kumuha ng part-time job habang nag-aaral matustusan lang ang kanyang libangan.


Ipinaliwanag sa akin ni Cesar na kakaibang kasiyahan at fulfillment ang kanyang nadarama kapag nakikita niya ang kanyang mga koleksyon.


Bawat pares ay mayroong kahalagahan at importansya para sa bawat isang kolektor na gaya niya sapagkat ito ay maaaring tumutukoy o sumisimbolo sa isang bahagi ng panahon sa karera ng kanilang idolo na si Michael Jordan.


Para kay Cesar, bagama’t masasabing maluho ang itinuturing niyang libangan, ay hindi niya ito alintana sapagkat alam niyang wala siyang ginagawang masama at wala siyang naaapakang tao para sa kanyang kasiyahan.


*******


Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa PTV-4 tuwing Miyerkules, 8:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fanpage: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.


The post CESAR’S COLLECTION appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



CESAR’S COLLECTION


No comments:

Post a Comment