Tuesday, September 2, 2014

Panalo ng Argentina, pahirapan vs Gilas

BIGO na namang makasungkit ng panalo ang Team Gilas Pilipinas matapos talunin sa isang magandang laban ng World No. 3 team Argentina kagabi, sa iskor na 85-81, sa nagaganap na 2014 FIBA World Cup sa Spain.


Lamang pa sa unang kanto ang Gilas kahit na-foul trouble nang maaga si Andray Blatche wala ng dalawang minuto sa 1st quarter, at bumalik may 2:30 ang nalalabi sa 1st half.


Nagpakitang-gilas naman si Gabe Norwood nang idakdak nito ang bola sa ring sa harap mismo ni Indiana Pacers center Luis Scola para makumpleto ang fastbreak, 17-7, may 5:16 pa sa unang canto.


Muli itong inulit ni Norwood nang malinlang niya ang Argentinian sa fake pass niya kay Blatche na nauwi sa isang highlight dunk sa mukha ni Marcos Mata.


Samantala, sa ikalawang canto, tila naglahong parang bula ang lamang ng Gilas nang kumana ang Argentina ng 12-0 run, sa pamamagitan nina Pablo Prigioni at Marcos Mata at makuha ang kalamangan, 40-36, may 57 segundo na lang ang nalalabi.


Sa third canto, kumana ng back-to-back 3-pointer si Gilas captain Jimmy Alapag at natapyasan ang 15 lamang ng Argentina. At bago pumasok ang 4th quarter, nagsalpak pang muli si Alapag ng isang pagkalayo-layong 3-pointer.


Sa fourth canto, hindi pa rin namamatay ang apoy sa kamay ni Jimmy nang muli pa itong kumana ng 3-pointer at naidikit ang iskor, 81-82, 2:08 na lang ang nalalabi sa gameclock.


Matapos ito, sumablay ang panlamang sanang 3-pointer ni Blatche.


Kasunod ito ng pinakamasaklap na pangyayari kay Jayson Castro ng maka-commit ito ng travelling violation dahil sa double touching nito sa bola nang depensahan ni Argentinian Pablo Prigioni ang kanyang tres, 12.7 na lang ang nalalabi.


“As a coach, it’s my responsibility to get good shots for my players,” ani Gilas coach Chot Reyes sa pagkakamali ni Castro na hindi naman dapat aniyang sisihin sa pagkatalo.


“My only regret in losing is that my boys tried so hard and I failed to get them a win. I failed to give our country a win.” aniya pa.


Nanguna naman sa Gilas si gunner Ranidel de Ocampo na nagtala ng 18 puntos, habang may 15 at 14 puntos naman sina Alapag at Norwood, ayon sa pagkakasunod.


Kahit pa lamang na lamang sa height ang Argentina ay hindi pa rin sila umubra sa rebounding nang magtala ng 39 total rebounds ang Gilas, habang 35 lamang sa Argentina.


Isa na rin itong karangalan sa ating bansa na pahirapan nang husto ang Rank No. 3 sa buong mundo ng Rank No. 34.


Susunod na haharapin ng Gilas ang koponan ng Puerto Rico na kinabibilangan ng dating import ng Petron Blaze Booster na si Renaldo Balkman, na na-banned sa PBA dahil sa ‘di magandang kilos na ipinakita nito.


Gaganapin ito bukas, September 3, alas-7:30 ng gabi, oras dito sa Pinas. Gilbert Mendiola


.. Continue: Remate.ph (source)



Panalo ng Argentina, pahirapan vs Gilas


No comments:

Post a Comment