Monday, September 1, 2014

HUSTISYA KAY BEDOLIDO

MULI, lumilitaw na mismong galing sa pamahalaan ang pangunahing banta sa buhay ng mediamen at kalayaan sa pamamahayag.


Kaugnay ito, mga Bro, sa kasong pagpatay sa kapatid natin sa propesyon na si Nestor Bedolido Sr. sa Digos City, Davao del Sur noong Hunyo 19, 2010.


Isang reporter-consultant noon si Nestor sa lingguhang pahayagang Kastigador at nakilala siya bilang kritiko ng mga politiko sa lugar.


Kabilang sa mga napupuna niyang politiko sina dating Davao del Sur Congressman at Governor Douglas Cagas at Matanao town Mayor Vicente Fernandez.


KASO vs CAGAS AT IBA PA


Nitong mga huling araw, isinangkot mismo ni Justice Secretary Leila de Lima sina Cagas, Fernandez at dalawang iba pa na sina Ali Ordaneza at Bado “Bado Baritua” Sanchez bilang pangunahing suspek sa pagpatay kay Bedolido.


Binaliktad ni De Lima ang desisyon ng mga piskal na ilibre sa kaso sina Cagas at tanging ang mga gunman at iba pa ang kinasuhan.


Nakilala ang gunman na si Voltaire Mirafuentes at ang kapatid nitong si Henry Mirafuentes, Jr. na gumamit ng motorsiklo sa pagpaslang.


Riding-in-tandem ang naging modus nina Mirafuentes at nadamay sa kaso si Artemio Timosan na pinawalang-sala naman kaagad ni De Lima sa kawalan ng ebidensya laban dito.


SUMURENDER, KUMANTA


Nanatili sanang hilaw ang kaso kung hindi sumurender at kumanta itong si Voltaire.


Hilaw dahil wala sanang naiturong utak sa pagpatay at tanging ang magkapatid lang sana ang inabutan ng karma.


Dahil naman sa pagsurender nito at ng kapatid niya at pag-amin nila na sina Cagas ang nag-utos sa kanila na patayin si Bedolido, dito iniangkla ni De Lima ang paggawa ng desisyon na sampahan ng kaso ang dating gobernador, ang mayor at dalawang iba pa.


Walang anomang pagdududa umano ang pagtutugma ng kanta ng mag-utol laban kina Cagas at ito na rin ang nag-udyok kay De Lima na gawing state witness ang magkapatid kaya inalis na rin sila bilang mga akusado.


‘WAG HAYAANG MAPATAY


Hiling natin kay Sec. De Lima na bantayan nila nang husto sa ilalim ng Witness Protectio Program ang magkapatid.


Hindi imposibleng may magtangka sa kanilang buhay lalo’t malalaking tao ang kanilang isinangkot.


Maraming pagkakataon na kasing napapatay ang mga testigo habang tumatagal ang kaso, gaya ng nagaganap sa Ampatuan massacre.


ISALANG AGAD SA HUKUMAN


Dapat na isampa kaagad ang kaso sa hukuman upang dumaan na sa paglilitas ang kaso.


At pinakamainan na maisalang na sa witness stand ang magkapatid upang maihayag nila sa bukas na hukuman ang kanilang mga nalalaman.


Mahalaga ito, mga Bro, para maging katanggap-tanggap sa hukuman ang kanilang mga salaysay.


Kung mawala o mapatay ang mga ito sa kasalukuyang kalagayan na nasa piskalya pa lang ang lahat, mawawalan ng saysay ang kaso laban sa mga akusado.


Matapos ang kanilang mga salaysay sa hukuman, anoman ang mangyari kina Mirafuentes (huwag naman po sana), magiging batayan na ang mga ito para sa kaukulang desisyon…kung guilty o hindi sina Cagas.


o0o

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/Benny Antiporda


.. Continue: Remate.ph (source)



HUSTISYA KAY BEDOLIDO


No comments:

Post a Comment