ARESTADO ang dalawang lalaki na nagpanggap at nagpakilalang empleyado ng isang kilalang bus company ng Pasay City police makaraang ireklamo ng may 18 katao na binentahan nila ng pekeng bus ticket sa nasabing lungsod sa ulat kahapon.
Nahaharap sa kasong estafa at falsification of public documents ang mga naarestong suspek na sina Alberto Caparro, 48, ng Maricaban, Pasay city at Rolando Manauis, 36, ng Apelo Cruz St., Pasay city.
Sa inisyal na ulat ng Pasay City police, pumwesto umano ang mga suspek sa tapat ng St. Christopher Bus Company kamakalawa ng umaga kung saan nagbenta ang mga ito ng bus ticket na biyaheng Mindanao na nagkakahalaga ng P1,800 hanggang P2,400.
Dahil sa mababang presyo na inalok ng mga suspek ay naka-engganyo umano ang mga ito ng may 18 katao subalit laking sisi ng mga ito dahil ilang oras na silang naghintay ay walang bus ang dumating upang sila ay ihatid sa Mindanao.
Nang mainip ang mga nabiktima ay nagdesisyon silang ipagbigay-alam sa himpilan ng pulisya ang nangyaring insidente hanggang sa magsagawa ang mga tauhan ng pulisya ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Napag-alaman na may dating rekord sa pulisya ang mga naarestong suspek.
Ayon naman sa empleyado ng St. Christopher Bus na si Mejarito Ludevina, ginagamit lang umano ng mga suspek ang kanilang kompanya dahil biyaheng Visayas lang umano ang kanilang mga bus at hindi pa-Mindanao.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Pasay City police ang dalawang naarestong suspek. Jay Reyes
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment