Hindi na magbabalik ang multo sa nangyaring kampeonato noong 1999.
Bagamat hindi tuwirang tinukoy, ganito ang nais na ipahiwatig ni University of Santo Tomas graduating team skipper Jeric Teng matapos ang kanilang 73-72 panalo kontra sa De La Salle Game One ng kanilang best-of-three final series ng 76th UAAP men’s basketball tournament.
Muling binalikan ang naganap noong 1999 finals kung saan ang Growling Tigers at ang Green Archers din ang naglaban.
Mas mataas din ang seeding ng Green Archers noon, ngunit naunahan sila ng Tigers sa Game One ng kanilang best-of-3 final series, 62-60, matapos ang clincher na ibinuslo ng noo’y UST guard na si Angelo Velasco.
Ngunit hindi tumiklop ang noon ay defending champion Green Archers na pinangungunahan ng kanilang team skipper at ngayo’y San Juan City vice mayor na si Francis Zamora, kasama ang mga pambato nilang sina Ren-Ren Ritualo, Raymund Magsumbol, Alvin Castro, BJ Manalo, Mac Cuan at Mon Jose.
Winalis ng Green Archers ang sumunod na dalawang laro, 81-74 at 78-75 para mapanatili ang kampeonato.
Ayon kay Teng, malaking bagay ang kanilang naranasan sa kabiguang natamo sa kamay ng Ateneo noong nakaraang taong finals.
“We have been here before, naranasan na namin against Ateneo last year. Dapat champion kami pero dahil sa experience nila, nag-collapse kami. Ngayon alam na namin ang dapat gawin,” pahayag ni Teng.
Sa kabila ng naging dikdikang laro sa endgame, kung saan nakuha pang lumamang ng La Salle, ni hindi naisip ng beteranong forward ng Tigers na mawawala sa kanila ang panalo.
“Malaking bagay talaga ‘yung experience. At saka ang nasa isip ko lang mananalo kami, we really need to win at sabi nga ni coach Pido kapag ganitong dikit ang laban, amin na to,” dagdag pa ni Teng.
Sa kabilang dako, taliwas naman ang pahayag ni La Salle coach Juno Sauler.
Aniya, hindi experience kundi nataon lamang na talagang maganda ang inilaro ng UST at nahirapan silang pigilin.
“It’s not really the championship experience. They really played very well in the last few games. We have to do better,” pahayag ni Sauler.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment