“HINDI ako nagnakaw!”
Ito ang binigyang diin ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang pahayag sa palasyo ng Malakanyang ngayong gabi lamang na umabot ng 12 minuto bilang tugon na rin sa pilit na pagkuwestiyon sa paggamit sa Disbursement Acceleration Program (DAP) para sa mga nagdaang kalamidad.
“Hindi tayo pareho. Hindi kami nagnakaw, at hindi kami magnanakaw; kami ang umuusig sa magnanakaw. Itinalaga po natin ang mga taong may paninindigang tuparin ang kanilang mga sinumpaang tungkulin. Di po ba’t ang itinalaga nating liderato ng Commission on Audit ang sumuyod sa mga dokumento, kaya’t natuklas ang mga pang-aabuso sa PDAF? Di ba’t nakakaasa tayo ngayon sa patas at makatarungang imbestigasyon, dahil katuwang sa tuwid na daan ang Ombudsman na atin ding itinalaga?,” anito.
Nilinaw ng Punong Ehekutibo na hindi pork barrel ang DAP.
Sa kabuuang DAP releases aniya noong 2011 at 2012 ay tinatayang siyam na porsyento nito ang ginugol sa mga proyektong iminungkahi ng mambabatas.
“Hindi rin po pagnanakaw ang DAP. Ang pagnanakaw, ilegal; ang paggastos gamit ang DAP, malinaw na nakasaad sa Konstitusyon at sa iba pang mga batas. Pangalan lang ang DAP ng isang proseso ng paggastos sa perang natipid, at sa iba pang nalikom na kita ng inyong gobyerno,” diing pahayag ng Punong Ehekutibo.
Nanggaling aniya ang perang ito sa pagkakatigil sa kuntsabahan sa kontrata, tong-pats, overpricing at kickbacks.
Pinaalala rin ni PNoy na ang pagnanakaw ang tunay na ugat ng isyu ukol sa pork barrel.
Ito aniya ang usaping pilit na tinatabunan ng mga taong sangkot makaraang mabisto ang kanilang kalokohan.
“Napapailing na nga lang po ako, dahil ang una kong inasahan, papabulaanan nila ang mga akusasyon. Di po ba’t iyan ang natural na tugon ng kahit sinong akusado? Sa hinaba-haba ng mga kontra-paratang na ibinato sa atin, ni minsan, hindi ko narinig ang katagang, “Hindi ako nagnakaw.”,” ang pahayag ng Pangulo sabay sabing “Sana nga po, alang-alang sa inyong mga nagtiwala at bumoto sa kanila, ay tinutupad ng mga opisyal na ito ang kanilang sinumpaang tungkulin. Sana nga po, may paliwanag kung paanong nangyaring ang mga benepisyaryo ng pekeng NGO na pinili nila, ay listahan lang pala ng mga board passer na hinugot lang mula sa diyaryo. Pero parang ang hirap na pong maniwala sa mga palusot, kung sa paulit-ulit nilang paggamit ng pare-parehong NGO, ni minsan ay hindi nila sinilip kung nakakaabot sa taumbayan ang perang inilaan nila para dito. Medyo mahirap o imposible na po talagang ipaliwanag ito.”
Ibinuking din ni Pangulong Aquino na sinusunod ng ilang mambabatas ang payo ng isang matandang pulitiko na tila ang pinasasaringan ay si Senador Juan Ponce Enrile.
“Kung hindi mo kayang ipaliwanag, palabuin mo na lang lahat; kung hindi mo kayang bumango, pabahuin mo na lang lahat; kung hindi mo kayang gumuwapo, papangitin mo na lang lahat. Narinig naman ninyo ang hirit nila: Pare-pareho lang naman daw kaming lahat,” ang pahayag pa ng Pangulo.
Samantala, patuloy naman na naninindigan si Pangulong Aquino sa kanyang paniniwalang tama ang kanyang mga ginawa sa paggamit ng DAP.
The post PNoy: Hindi kami magnanakaw, hindi pork barrel ang DAP appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment