Ni Anna Liza Villas-Alavaren
Isang pari na tumestigo sa Makati City Regional Trial Court ang nagsabing hindi ipinakulong ni “Pork Barrel Queen” na si Janet Lim Napoles ang whistleblower na si Benhur Luy bagkus nagboluntaryo itong sumailalim sa spiritual renewal upang matigil ang mga bisyo nito at pagkakasangkot sa mga anomalya.
Si Fr. Peter Edward Lavin, na mahigit 29 taon nang pari, ang nag-iisang testigo na iniharap ng kampo ni Napoles kaugnay sa petition for bail na kanilang inihain kaugnay sa kasong serious illegal detention laban sa negosyante at kapatid nitong si Reynald Jojo Lim.
Habang nasa witness stand, sinabi ni Lavin na kinausap siya ni Lim noong Disyembre 2012 hinggil sa umano’y intensiyon ni Luy na sumailalim sa spiritual retreat.
Sinabi ni Lavin sa pagdinig sa sala ni Judge Elmo Alameda na ang spiritual renewal ni Luy ay may kaugnayan sa mga anomalyang kinasasangkutan nito, pagkalulong sa droga at pagkabaon sa utang na kinuha sa JLN Corporation na pag-aari ni Napoles.
Bunsod nito, nagprisinta si Lavin bilang spiritual adviser ni Luy sa renewal program at siya ay inalok na sumama sa isang retreat house sa Antipolo.
Ani Lavin, naghanda pa nga sila ng isang silid para kay Luy subalit hindi ito dumating. Laking gulat na lamang ng pari nang malaman niya na nanunuluyan si Luy sa Bahay ni San Jose sa Lapu-Lapu St., Barangay Magallanes sa Makati City nang bisitahin nito si Monsignor Josefino Ramirez, isa pang pari.
Ilang beses din aniyang nakita si Luy na nagdarasal, nagsusulat sa isang journal, o naglalakad habang nasa Bahay ni San Jose subalit hindi niya ito nakausap.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment