Thursday, October 3, 2013

Umaasa sa peace deal, nabawasan; Malacañang, kumpiyansa pa rin

Ni Madel Sabater-Namit


Hindi nababahala ang Malacañang na nabawasan na ang mga Pilipino na umaasang malalagdaan ang isang kasunduang pangkapayapaan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), batay sa resulta ng huling survey ng Social Weather Stations (SWS).



Ayon sa huling SWS survey, 70 porsiyento na lang ng mga Pilipino ang umaasang malalagdaan ang kasunduang pangkapayapaan ng gobyerno at MILF, bumaba mula sa 79 porsiyento noong Enero hanggang Marso.


Sinabi noong Martes ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na majority pa rin ng mga Pinoy ang katumbas ng 70 porsiyento.


“That is still a very large majority who continues to hold out for hope,” sabi ni Valte.


Aniya, nananatiling positibo ang gobyerno na malalagdaan ang kasunduang pangkapayapaan sa MILF bago matapos ang termino ni Pangulong Benigno S. Aquino III.


“I understand that there are issues that they continue to work on for the remaining annexes,” sabi ni Valte. “Umaasa pa rin tayo siyempre.”


Matatandaang Oktubre 15, 2012 nang lagdaan ng gobyerno at MILF ang Framework Agreement na magtatatag sa bagong political entity na tatawaging “Bangsamoro” sa layuning matuldukan na ang karahasan, kahirapan at kawalan ng hustisya sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).


May natitira pang dalawang annexes na tatalakayin ang gobyerno at MILF bago lagdaan ang kasunduang pangkapayapaan. Ito ay ang power sharing at normalization.


Nilagdaan na ng magkabilang panig ang annexes sa paghahati sa yaman at ang Transitional Arrangements and Modalities.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Umaasa sa peace deal, nabawasan; Malacañang, kumpiyansa pa rin


No comments:

Post a Comment