Los Angeles (AFP) – Nakatuon ang pansin ni LeBron James at Miami Heat sa isang “three-peat’ sa pagbubukas ng bagong season ng NBA ngayong araw, ngunit pipilitin itong harangan ng Chicago Bulls ni Derrick Rose at gayundin ng Brooklyn Nets.
Susubukan ni James at ng Heat na maging ikatlo lamang sa mga koponan sa modern era na makapanalo ng tatlong sunod na titulo, isang kaganapang nagawa ng Los Angeles Lakers sa likod nina Kobe Bryant at Shaquille O’Neal noong 2000, 2001 at 2002, at ng Chicago Bulls sa pangunguna ni Michael Jordan – na nagawa ito ng dalawang beses noong 1991-93 at 1996-98.
Nakopo ng Heat ang ikalawang sunod na titulo sa pamamagitan ng isang thriller sa NBA Finals laban sa San Antonio noong Hunyo. Bago nito, nagawa ng koponan na maglista ng 27-game regular-season winning streak at si James ay muntik maging unamimous choice para sa kanyang ikalawang sunod na Most Valuable Player award at pang-apat sa pangkalahatan.
Ngunit nagtatangka ang Bulls, kung saan magbabalik na ang dating NBA MVP na si Derrick Rose matapos hindi maglaro noong nakaraang season dahil sa natamong ACL injury, na maagaw ang titulo sa Eastern Conference.
Hindi rin magpapahuli ang Brooklyn Nets na nagpalakas ng roster upang makipagsabayan sa East sa likod ng bilyonaryong may-ari na si Mikhail Prokhorov.
Nakuha ng Nets ang future Hall of Famers na sina Kevin Garnett at Paul Pierce mula sa Boston Celtics upang makasama ng All-Stars na sina Deron Williams, Joe Johnson at Brook Lopez.
Isa pang future Hall-of-Famer, si Jason Kidd, ang malaking katanungan sa Brooklyn. Si Kidd ay napili bilang bagong head coach ng Nets makaraang ianunsiyo ang kanyang pagreretiro bilang point guard ng New York Knicks.
Habang hindi kinukuwestiyon ang kanyang kakayahan bilang isang coach, sinasabing magiging balakid ang kanyang kakulangan ng ekperiyensiya bilang coach para sa Nets.
“Championship teams are built on being prepared, playing unselfishly and being held accountable, and that’s how I expect to coach this basketball team,” ani Kidd.
Ang pag-target sa Miami noong pre-season ay hindi nalimitahan sa East. Ani Kevin Durant ng Oklahoma City, na tinalo ng Miami noong 2012 finals, oras na para sa tumatandang si Dwyane Wade “to pass the torch”.
Sa pagsargo ng panibagong NBA season, agad makakatapat ng Miami ang Chicago sa kanilang season opener.
Itataas ng Miami Heat ang ikalawang sunod na championship banner, ikatlo pangkalahatan, bago ang laro kontra sa isa sa pinakamahigpit nilang karibal. “We don’t like them and they don’t like us,” sabi ni James. “It’s not like it’s unheard of. We all know what it is. They don’t like us, so we don’t like them.”
Nagbabalik na si Rose sa Bulls, 18 buwan mula nang magtamo ng ACL injury. Sa nakaraang limang season, nakakuha ng apat na MVP award si James, at isa naman kay Rose. At sa pagbabalik ni Rose, ang Bulls – at ang East, ay magiging mas maging mahirap na laban para sa Miami.
“I’m looking forward to it, but I’m going to take it as any other game,” ani Rose sa kanyang pagbabalik. “It’s the first game. It’s the next game. And we’re just trying to sharpen things up, play the same way but just get our chemistry a little bit better.”
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment