Tuesday, October 29, 2013

DoH hospitals, nakaalerto sa emergency

Ni Mary Ann Santiago


Lahat ng pagamutan ng Department of Health (DoH) sa bansa ay isasailalim sa code white alert bilang preparasyon sa anumang health emergency sa paggunita sa Undas.


Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, ang DoH-Health Emergency Management Staff (HEMS) ang 24-oras na magmo-monitor ng sitwasyon upang matiyak na agad na matutugunan at mabibigyan ng atensiyong medikal ang anumang health emergencies.



Mahigpit din umanong makikipagugnayan ang DoH sa lahat ng lokal na pamahalaan, sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Bureau of Fire Protection (BFP) para magpakalat ng mga medical team malapit sa mga sementeryo.


Nabatid na sa ilalim ng code white alert, ang lahat ng empleyado ng pagamutan, mula sa general surgeon, orthopedics, anesthesiologists, internists, operating room nurses, ophthalmologists at otorhinolaryngologists ay dapat na handa upang tumugon sa mga emergency situation.


Ang mga emergency service personnel, nurse at administrative staff na nasa hospital dormitories ay isasailalim naman sa on-call status para sa agarang mobilization.


Dapat din na kumpleto ang mga gamot at mga gamit sa lahat ng pagamutan.


Taun-taon, dumadagsa ang mga Pilipino sa mga sementeryo tuwing Undas upang magtirik ng mga kandila, mag-alay ng mga bulaklak at magdasal para sa mga mahal sa buhay.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



DoH hospitals, nakaalerto sa emergency


No comments:

Post a Comment