ISULAN, Sultan Kudarat – Mistulang tag-araw ngayon para sa mga consumer ng mga lokal na electric cooperative sa North at South Cotabato at Sultan Kudarat dahil muli at mas matindi pa umano ngayon ang nararanasang brownout sa nasabing mga lalawigan.
Napaulat na inaabot ng halos 12 oras ang brownout sa nasabing mga lalawigan simula noong Setyembre 29.
Idinadahilan ng Cotabato Electric Cooperative (Cotelco), Sultan Kudarat Electric Cooperative (Sukelco) at South Cotabato Electric Cooperative (Socoteco), na pawang nasa ilalim ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang pagpapasabog ng ilang armado sa ilang linya ng kuryente.
Ngunit sa isang hiwalay na pagsisiyasat, nabatid na hindi naman naging problema ang ayon sa NGCP ay pag-aayos sa linya ng kuryente at bahagya lang ang epekto ng nasabing insidente na idinadahilan ng mga nasabing kooperatiba.
Sa kabilang banda, tiniyak naman ng Sukelco sa mga consumer nito na ginagawa nito ang lahat ng paraan upang maibalik sa normal ang supply ng kuryente sa lalawigan.
Hindi rin itinatanggi ng sektor ng negosyo sa Tacurong City, sa Isulan at sa karatig na mga bayan ang malaking epekto ng matagalang brownout sa kani-kanilang negosyo.
Matatandaang perhuwisyo ang inaabot ng mga residente sa malaking bahagi ng Mindanao sa nakalipas na mga tag-araw dahil sa ilang oras na rotating brownout na ipinatutupad tuwing kinakapos ang supply ng kuryente sa rehiyon.
Leo P. Diaz
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment