Ni Marivic Awitan
Dominasyon, karanasan, bentahe sa ilalim, lakas sa bench o pusong palaban?
Alin sa mga katangiang ito ang mangingibabaw sa nakatakdang bakbakan ng nakaraang taong runner-up na University of Santo Tomas at De La Salle University sa pagsisimula ngayon ng best-of-3 final series ng UAAP Season 76 men’s basketball tournament.
Batay sa obserbasyon ng ilang UAAP coaches at tinatawag na basketball experts, lamang sa karanasan ang UST Tigers kayat isang matibay na sandigan ito kung bakit sila nakapagtala ng isa na namang panibagong kasaysayan sa liga matapos na maging unang No. 4 team na tumalo sa top seed squad magmula nang gamitin ang Final Four format.
Bukod dito, hindi matatawaran ang taglay na malaking puso ng kanilang mga player, partikular ang kanilang team skipper na si Jeric Teng at ang dating UAAP Juniors MVP na si Kevin Ferrer na siyang namuno sa koponan sa paggapi sa elimination topnotcher National University Bulldogs sa kanilang Final Four match.
Naging dominating team naman ang Green Archers matapos na magtala ng siyam na sunod na panalo na siyang naghatid sa kanila sa kampeonato.
Nakita din ang kanilang bentahe sa frontline dahil mas marami silang maaasahang big men na gaya nina Arnold Van Opstal, Jason Perkins at Norbert Torres.
Ngunit anuman ang mga bentaheng taglay nila, mayroon lamang silang iisang layunin at ito ay makamit ang kampeonato.
“Nang makabalik ako from injury which is talagang hindi ko na nga ini-expect pa, sabi ko na kahit paano sa finals, maging UST-La Salle. But since nandito na kami, siyempre magsisipag na kami at ibibigay na namin lahat para makakuha ng championship,” pahayag ni Teng para sa kanyang huling taong paglalaro para sa Tigers.
Sinang-ayunan naman ito ng kanyang coach na si Pido Jarencio na sa unang pagkakataon ay naging emosyonal matapos magwagi ang Tigers kontra NU at makapasok sa finals.
“Hindi biro ang mga pinagdaanan ng team na ito this year. Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat iyan. Pero gaya ng lagi ko nang sinasabi, wala kaming ibang bibitbitin pagpasok namin sa loob ng court kundi ‘yung puso at pride namin. Dala namin ‘yung tatak naming palaban para sa lahat ng mga naniniwala sa amin para sa buong Thomasian community na hindi kami iniwanan mula pa noong una,” ani Jarencio.
Sa panig naman ng makakatunggaling kapatid na si Jeron Teng ng Green Archers, pabiro itong humingi ng sorry sa nakatatandang kapatid dahil hindi aniya matutupad ang hiling nito bago mag-graduate at magtapos ang playing years sa UAAP.
“I want to win for the La Sallian community, the alumni, and management,” pahayag ni Jeron sa isang press conference na inorganisa ng grupong nagma-manage sa career ng magkapatid noong Lunes ng gabi. “They really supported us. You must give it back to them by winning the championship.”
“Kaya nga I’m sorry na agad,” ang makatotohanan ngunit pabirong pagkakasabi pa ni Jeron.
Para naman sa kanyang bagitong coach na si Juno Sauler, ayaw niyang isipin kung gaano kabigat ang susuunging laban.
Basta’t ang hangad lamang niya ay magawa ng kanyang mga manlalaro ang dapat gawin at maipanalo ang kanilang laro sa Game 1.
“More important to me is how well we will play in the coming days. The ranking is secondary. I want my players and my team to improve.”
Samantala, bukod kay Jeric Teng at Kevin Ferrer, aasahan din para sa hangad na kampeonato ng Tigers sina Paulo Pe, Kim Lo, Tata Bautista, Jamil Sheriff, Aljohn Mariano, Ed Daquioag at ang Mythical Team member na si Karim Abdul.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment