Ni Marivic Awitan
Mga laro ngayon: (Arellano Gym)
12 p.m. – Banco de Oro vs Jumbo Plastic
2 p.m. – Boracay Rum vs Derulo Accerelo
4 p.m. – Cagayan Valley vs Zambales M-Builders
Mag-aagawan para sa maagang pamumuno ang Cagayan Valley at baguhang Zambales M-Builders sa pagpapatuloy ng 2013 PBA DLeague Aspirants Cup sa Arellano University Gym sa Legarda, Manila ngayon.
Taglay ng dalawang koponan ang pagwawagi sa kanilang opening day matches- ang Rising Suns laban sa Café France, 83-74, at ang Builders laban sa kapwa baguhang Derulo Accelero ,79-73.
Target ng dalawang koponan na maiposte ang ikalawang dikit na panalo sa kanilang pagtatagpo ngayon sa ganap na alas-4:00 ng hapon para sa nakatakdang triple header.
Una dito, magsasagupa sa ang NUBanco de Oro at Jumbol Plastic Linoleum sa ganap na alas-12:00 ng tanghali na susundan ng tapatan ng Boracay Rum at Derulo sa alas-2:00 ng hapon.
Bagamat naipanalo ang unang laban, alanganin pa rin sa kanilang tsansa si Rising Suns coach Alvin Pua dahil sa kakulangan niya sa manlalaro.
Bunga ito ng umiiral na kautusan ng NCAA kung saan ay mayroon silang hinihintay na limang mga player na ‘di pinayagang makalaro hangga’t hindi pa natatapos ang kasalukuyang NCAA Season na inaasahan pang matatapos sa Nobyembre 16.
“Ang hirap kasi wala kaming point guard. Hindi naman kasi point guard si Mercader (Phil) tapos ‘yung De la Cruz, hugot lang namin ‘yun,” ayon kay Pua na ang nakatalang lehitimong guards para sa koponan ay sina Nard Pinto ng Arellano University at Mark Cruz ng Letran College.
Bukod sa dalawa, ang iba pang mga player ng Cagayan na nasa NCAA ay sina Kenneth Ighalo ng Mapua, Michael Mabulac ng JRU at Prince Caperal ng Arellano.
Sa kabilang dako, umaasa naman si Builders coach Junnel Mendiola na unti-unti nang nagkakaroon ng solidong teamwork ang kanyang koponan na naisalba ng streak shooting ni dating University of Perpetual Help ace Jet Vidal sa una nilang laban kontra Oilers.
“Wala pa talaga, nangangapa pa, siguro ilang games pa, makakapagadjust na sila,” ayon kay Mendiola.
Sa unang laban, makakaliskisan ang gilas ng BdO na inaasahang babanderahan ng UAAP 2-time MVP na si Bobby Ray Parks laban sa Jumbo Plastic.
Samantala, sa ikalawang laro, tiyak namang aabangan ang debut game ng dating ABL star na si Chris Banchero para sa Boracay Rum na sasalang kontra sa Derulo Accelero na hangad namang bumawi sa kabiguang natamo sa Builders sa opening day.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment