MARAMING importanteng balita mula sa ilang sangay ng pamahalaan ang hindi nabibigyan ng pansin dahil na rin sa walang katapusang mga isyu tungkol sa pork barrel scam at iba pang katiwalian sa gobyerno.
Kaya ibabaling ko naman ang aking atensyon sa iba pang tanggapan tulad ng Department of Labor and Employment na pinamumunuan ni Secretary Rosalinda Baldoz. Ayos ba Director Nicon Famorenag?
Natawag kasi ang pansin ko sa babala ni Baldoz sa mga kababayan natin na nagbabalak magtrabaho sa ibang bansa, hinggil sa pagsasamantalang ginagawa sa kanila ng ilang mga recruitment agency.
Kabilang na rito ang sobra-sobrang paniningil ng mga recruitment agency ng mga bayarin na hindi naman naaayon sa batas at hindi kailangan sa kanilang aplikasyon.
Sabagay ay hindi naman na bago ang mga ganitong modus operandi ng mga ganid na recruitment agency, subalit natawag ang pansin ni Baldoz dahil na rin sa sunod-sunod na reklamo na nakararating sa kaniyang tanggapan.
Ang isa sa mga bagong raket na pinagkakakitaan umano ng mga recruitment agency ay ang sinisingil nilang bayad sa iba’t ibang dokumento at documentary stamps.
Maliban doon ay ginogoyo rin ang mga aplikante sa pamamagitan ng paglalagay ng ilang mga probisyon sa kanilang kontrata na lubhang pabor sa mga employer na magreresulta rin sa pagkalugi sa suweldo ng mga aplikante.
Niliwanag pa ni Baldoz na hindi dapat singilin ng recruitment agency ang mga aplikante ng kanilang
visa fee; airfare; POEA processing fee; at OWWA membership fee, dahil ang kanilang employer ang nararapat na sumagot sa mga bayaring iyon.
Maaari rin lang, aniya, na singilin ng recruitment agency ng katumbas na isang buwang sahod ang aplikante bilang kabayaran kapag sakali at umiiral ang polisiya na hindi naniningil ng recruitment fee sa bansa kung saan siya magtatrabaho.
Ang mga nararapat lang aniyang bayaran ng aplikante ay iyong gagastusin para sa kanyang passport; NBI/police/barangay clearance; authentication/birth certificate; Medicare; trade test at iba pang kauring bayarin. Sa madaling, salita dapat alam ng mga aplikante ang kanilang mga karapatan para naman hindi sila magulangan ng mga abusadong recruitment agency.
Maging maingat din sila, lalo na iyong mga kababaihan, dahil may nabalitaan ako na ilang manyak na lalaking recruiter ang ginagamit ang kanilang posisyon para mapagsamantalahan sila kapalit ng trabaho sa ibang bansa.
Tatalakayin din natin ang isyung iyan sa mga susunod pa nating mga kolum. Abangan!
The post BABALA SA MGA OVERSEAS JOB APPLICANT appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment