Iniulat ng Department of Environment and Natural Resources na ang pinakamalaking bulaklak na pinangalanang Rafflesia Manillana, ay natuklasan sa makapal na kagubatan ng Sierra Madre sa lalawigan ng Aurora, ng isang team ng mga biologist at biodiversity expert mula sa National Museum habang nagmamasid ng mga reptile at amphibian sa loob ng Aurora Memorial National Park.
Ang Rafflesia Manillana ay nasa listahan ng DENR ng endangered species at matatagpuan din sa Mt. Natib sa Bataan, Mt. Makiling sa Laguna, Mt. Labo sa Bicol, at sa Samar Island Natural Park. Ang bulaklak na natagpuan sa Aurora ay naka-full bloom at may diameter na 17 centimeters.
Sa pag-aaral ng mga scientist, may 17 Rafflesia species ang nakakalat sa buong Southeast Asia. Sa Pilipinas, may mahigit 11 kilalang species ng Rafflesia, apat nito ay nasa Luzon. Natuklasan ng biodiversity expedition at mahigit 304 species ng halaman at 142 species ng hayop ang nangamumuhay sa 17,000 ektaryang kagubatan sa pinakamataas na bundok ng Central Luzon.
Saklaw ng Aurora Memorial National Park ang mahigit 5,000 ektaryang mababang kahuyan sa kagubatan ng Sierra Madre sa hangganan ng Nueva Ecija at Aurora. May taas na 1,000 meters above sea level, ang gubat na ito ay idineklarang protected area sa bisa ng Proclamation No. 744 ng 1941. Tahanan ito ng may 19 species ng amphibian, 30 species ng reptiles, at walong species ng mga ibon, kabialng ang nanganganib na Philippine Eagle. Noong 2011, dalawang species ng forest mice na kabilang sa genus Apomys ang natuklasan din sa Mingan Mountains sa Aurora.
Binabati natin ang Department of Environment and Natural Resources sa pangunguna ni Secretary Ramon Jesus P. Paje, at ng National Museum of the Philippines sa pamumuno ni Director Jeremy R. Barns, iba pang opisyal at kawani sa kanilang pagsisikap na maipagpatuloy ang kaunlaran, sa paglalaan ng proteksiyon, pananatili, at pangangasiwa ng kapaligiran at ng kalikasan para sa kasalukuyan at susunod pang henerasyon ng Republika ng Pilipinas. CONGRATULATIONS AT MABUHAY!
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment