Aminado si Benjie Paras, ang natatanging Most Valuable Player at Rookie of the Year sa Philippine Basketball Association (PBA), na mas mahusay ang kanyang dalawang anak na sina Andre at bunsong si Kobe na tinanghal na FIBA Asia Under 18 World Slamdunk King sa Jakarta, Indonesia.
“I never introduce basketball to them,” sinabi ni Paras, naging ROY-MVP noong 1989.
“Naging tulong lang sa akin na ang nalipatan naming bahay ay katabi mismo ng basketball court. Minsan nga, nakakalimutan ko bago matulog na tawagin muna sila dahil kahit gabi nasa court,” sinabi pa na Paras, tinanghal ding MVP noong 1999.
Ang panganay ni Benjie na si Andre ay kasalukuyang miyembro ng University of the Philippines Fighting Maroons habang si Kobe, kabilang sa FIBA Asia Zone 3-On-3 champion na Pilipinas, ay katatapos lamang maglaro sa FIBA World kung saan ay nakuha nilang talunin ang US, Spain, France at China.
Ikinatuwa naman ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang karangalang iniuwi ng 16-anyos na si Paras na pumawi sa masaklap na kampanya ng koponan na kinabibilangan nina Ferdinand “Thirdy” Ravena, Arvin Tolentino at si Rasleigh-Paolo Rivero.
“Tuwang-tuwa kami for Kobe for winning the slamdunk contest,” pahayag ni SBP Executive Director Sonny Barrios sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Shakey’s Malate. “Also, we are so proud of the overall performance of our players.”
Kinailangan naman ni Kobe ang tulong ng kanyang mga kasamahan at ang ama na si Benjie upang makaipon ng lakas sa kanyang isinagawang mapangahas na aksiyon sa slamdunk tungo sa paghugot ng korona.
“Sinubukan ko lang po sumali kahit na malalaki ang kalaban ko noong isinagawa ang contest. Nagulat na lang din po ako na nag-qualify ako. Una ko pong ginawa iyong bounce and catch dunk na perfect ang score tapos sinundan ko po ng reverse dunk na nag-qualify po sa akin sa finals,” paliwanag ni Kobe, iniidolo mismo si Kobe Bryant.
Isinagawa ni Kobe ang naiibang slamdunk na ginamit ang isang motorsiklo at naka-upo ang kaibigan at kakampi nito na si Ravena na nakumpleto nitong nagawa upang ibigay ang karangalan sa bansa.
“First time ko po iyon ginawa. Hindi ko pa po na-try. Pero noong pinalakas po ni Papa ang loob ko, sinubukan ko po na gawin at nakumpleto ko po,” pagmamalaki ni Kobe.
“Nagtext siya sa akin na sabi ay “I am so afraid because I am the youngest, thinnest and pinakamaliit” ayon kay Benjie.
“Pinalakas ko na lang ang kalooban niya na sabi ko ay porma lang iyon ng mga kalaban. Kaya mo iyan. I told him na I was only 20 when I become MVP. Alam kong kaya mo iyan,” dagdag ni Benjie. – Angie Oredo
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment