Nanatiling malinis ang kartada ni Grandmaster John Paul Gomez matapos ang ikatlong round sa ginaganap na 2013 Battle of the Grandmaster Chess Championships sa Philippine Sports Commission Conference Room, Administration Bldg., Vito Cruz, Manila.
Nagawang biguin ni GM Gomez si GM Richard Bitoon sa 35 moves ng Old Indian defense tungo sa ikatlong sunod na panalo sa torneong inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines at sa pakikipagtulungan ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.
Inokupahan naman ni 12-time national open champion GM Rogelio “Joey” Antonio Jr. ang ikalawang puwesto matapos na ungusan si IM Joel Pimentel sa 39 moves ng Nimzo-Indian defense para sa dalawang panalo at isang tabla.
Nakipag-draw naman si IM Emmanuel Senador kay Asia’s First GM Eugene Torre sa opening round subalit natalo via default kontra kay GM Gomez sa second round bago nakabalik sa kontensiyon nang talunin si Fide Master Jony Habla sa 34 moves ng Catalan Opening.
Naitala naman ni US based GM Rogelio “Banjo” Barcenilla Jr. ang ika-3 sunod na tabla sa katauhan ni National Master Narquinden Reyes sa 30 moves ng King’s Indian defense.
Sa iba pang kaganapan sa Round 3, nagtabla sina GM Torre at IM Richilieu Salcedo III sa 49 moves ng Old Indian defense, naghati sa puntos si GM Darwin Laylo at nakaraang taong champion na si GM Mark Paragua sa 57 moves ng Sicilian defense at draw din si GM Oliver Barbosa at FM Roderick Nava sa 56 moves ng Queen’s Pawn Game.
Sa women’s play, hindi pa din matinag sa unahang puwesto sina Woman International Masters (WIMs) Janelle Mae Frayna at Beverly Mendoza na naisulong ang kanilang ika-3 sunod na tagumpay.
Si Frayna, top player ng Far Eastern University, ay nagwagi kay Woman Fide Master Shania Mae Mendoza sa 45 moves ng English Opening habang pinayuko naman ni WIM Mendoza si Lucelle Bermundo sa 39 moves ng Dutch defense.
Nagpakitang gilas din si defending champion Woman International Master Catherine Perena na iwinasiwas si Woman Fide Master Rulp Ylem Jose sa 46 moves ng Oldin Indian defense at namayagpag si Woman Fide Master Cherry Ann Mejia kay Gladys Hazelle Romero sa 63 moves ng Queens Gambit Accepted. Pinagulong ni Ynna Sophia Canape si Woman National Master Jedara Docena sa 47 moves ng Kings Indian defense at pinataob ni Jean Karen Enriquez si Woman International Master Bernadette Galas sa 42 moves ng French defense.
Ang laban sa pagitan nina Villa Mae Cabrera (pumalit kay WNM Jan Jodilyn Fronda) at Arvie Lozano ay nauwi sa fighting draw sa 59 moves ng Modern defense. – Angie Oredo
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment