Ni Michael Joe T. Delizo
HINAMON ni Robin Padilla si Senate President Franklin Drilon na magbitiw sa puwesto habang nagpapatuloy ang kontrobersiya sa pork barrel scam.
Nagpaskil si Robin ng edited photo ng mambabatas sa kanyang Instagram, na may caption na: “Ngayon senador ipakita mo sa mga kabataang Pilipino ang delikadeza at karangalan na inyong sinumpaan kasama ng inyong tungkulin bilang boses at amain ng Inangbayan bilang pinakapinuno ng mataas na kapulungan hinihingi ng Mapayapang Rebolusyon ang inyong pagbibitiw at harapin ang paglilitis ng mga Anak ng Bayan.”
Ito ang reaksiyon ng aktor nang umamin si Drilon na tumanggap siya ng P100 million mula sa Disbursement Acceleration Plan (DAP) funds matapos siyang bumotong patalsikin si dating Chief Justice Renato Corona. Gayunman, nilinaw ng senador na ginamit niya ang “requested” fund sa isang infrastructure project sa Iloilo.
Binanggit ng “Bad Boy” ng showbiz ang kanyang halos tatlong taong pagkakakulong sa illegal possession of firearms. Noong 1995, sa termino ni Drilon bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ), si Robin ay hinatulan ng 17 hanggang 21 taong pagkakakulong sa illegal possession ng tatlong baril.
“Ang dating DOJ secretary na nagpakulong sa akin dahil sa salang Kayabangan at pagiging mapusok,” pagbabalik-tanaw ng 43-anyos na aktor.
Winakasan ni Robin ang kanyang caption, ng “Oras na para sa tunay na pagbabago at pagkapilipino.”
Habang isinusulat ang balitang ito, ang kanyang post ay lumikom na ng mahigit 2,400 likes at 180 comments, karamihan ay sinuportahan ang aktor.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment