Ni Rommel Tabbad
INIUTOS ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) sa dating aktres na si Rosanna Roces na magbayad ng P2 milyon sa GMA Network kaugnay ng reklamong breach of contract noong 2005.
Ito ay matapos mapatunayan ni QCRTC Branch 216 Judge Alfonso Ruiz III na nagkasala si Rosanna (Jennifer Molina sa tunay na buhay) sa civil case na isinampa ng GMA-7 sa hukuman noong 2005.
Sa pitong pahinang desisyon ni Judge Ruiz, nakasaad na nilabag ni Rosanna ang kontrata niya sa GMA-7 bilang Startalk host noong 2004 nang lumabas siya sa The Buzz, ang katapat at kaparehong format ng ABS-CBN, kahit hindi pa tapos ang kanyang kontrata.
Sinabi ng hukuman na hindi sapat ang pagpapaalam ni Rosanna sa Startalk na nais na niyang mag-retire sa showbiz upang mapawalang-bisa ang kasunduan.
Binanggit din na malinaw na nilabag ng aktres ang kasunduan dahil ilang araw lang matapos niyang ipahayag na plano niyang mag-quit sa showbiz ay naglabas ng teasers ang ABS-CBN na mapapanood ang aktres sa The Buzz.
“She cannot unilaterally dismiss a contract which she voluntarily entered into with the mere declaration that she is retiring from show business, and then escape the obligations stated in the contract,” paliwanag ng korte.
Matatandaan na noong 2007 ay sinubukang umapela ni Rosanna na idismis ang kaso ngunit hindi siya pinaboran ng korte.
Kabilang sa sinisingil sa kanya ng hukuman ang “liquidated damages” na nagkakahalaga ng P1.5 milyon, P400,000 para sa “exemplary damages,” at “attorneys fees and cost of suit” na aabot sa P100,000.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment