Hanggang sa pagkundena na lamang ba ang dapat na maging reaksiyon tuwing may napapaslang na mga miyembro ng media? Muling umigting ang naturang pananaw nang ang walang pakundangang pagtampalasan sa ating mga kapatid sa propesyon ay minsan nang kinundena ng United Nations – sa pamamagitan ng UN Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO). Ito ang ahensiya na nagtatanggol sa press freedom.
Ganito rin ang dagliang reaksiyon ng Malakanyang tuwing may nagaganap na tandisang paglabag sa kalayaan sa pamamahayag. Maging ang National Press Club (NPC), at iba pang private groups, ay hindi mauunahan sa pagkundena sa karumal-dumal na pagpatay sa mga journalist.
Subalit natatangi ang panawagan ng UN sa Philippine authorities: Iharap sa hustisya ang mga salarin. Lumilitaw na matamlay ang mga pagsisikap ng ating mga awtoridad sa pagtugis sa mga itinuturong utak ng malalagim na krimen. Hindi ba lumilitaw rin na mabagal ang pag-usad ng katarungan dahil sa masasalimuot na mga kadahilanan?
Ang Philippine National Police (PNP) at ang mga hukuman ang may pangunahing misyon upang magkaroon ng positibong resulta ang anumang pagsisikap laban sa mga salot ng lipunan. Halimbawa, hindi lamang sa media kailangan ang mabilis na pagdakip at paguusig sa mga pinaghihinalaang mga salarin. Kailangan ding paigtingin ang paglutas sa asunto ng mga high criminal suspects na hanggang ngayon ay hindi man lamang masalang ng batas. Inutil ba ang mga awtoridad sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin? O, tumatango lamang sila sa kumpas ng mga makapangyarihan sa gobyerno at sa lipunan?
Ang pagpaslang sa mediamen ay itinuturng na isang national concern o mga pangyayaring hindi dapat ipagwalang-bahala ng mga awtoridad. Ang kalayaan sa pamamahayag o press freedom ay pinangangalagaan ng Konstitusyon. Ito ang simbolo ng demokrasya.
Ang kaligtasa ng mga mamamahayag ay dapat tiyakin. Aksiyon at hindi lamang ang pagkundena ang kailangan.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment