Ni Alexander Lopez
DAVAO CITY – “Puwede lang naming gawin ‘to tuwing Martes. Wala kaming pakialam sa bombahan, manonood ako ng sine.”
Ito ang naging pahayag ng 68 anyos na si Mang Ramon, isang retiradong guro, na kabilang sa 30 senior citizen na pumila upang mapanood ang pelikulang “Erased, The Expatriate.”
Ang mga senior citizen ng Davao City ay inalok ng libreng panood sa mga sinehan sa siyudad tuwing Martes na pinagkaloob ng pamahalaang lokal.
“Marami pa ang manonood ngayong araw,” dagdag ni Mang Ramon.
Dalawang pagsabog ang naganap sa dalawang sinehan sa Davao City – ang una ay dakong 9:00 ng gabi noong Lunes sa SM City cinema sa Ecoland at ang pangalawa matapos ng 25 minuto sa Cinema 5 ng Gaisano Mall sa Bajada. Wala namang naiulat na nasugatan sa dalawang insidente.
“Hindi ako kayang takutin ng mga terorista. Manonood ako ng sine tuwing Martes,” ayon sa 70 anyos na si Manang Beth, isang retiradong kawani ng gobyerno.
Nang tanungin kung panatag ang kanyang loob sa dami ng unipormadong pulis at military na rumoronda sa mga mall matapos ang mga nangyaring pagsabog, sinabi ni Manang Beth: “Oo naman.”
Mariing kinondena ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang insidente, kasabay nang pagpapalabas ng direktiba sa pulis at military na higpitan ang seguridad sa siyudad.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment