Sa biglang tingin, iisa ang maliwanag na hudyat ng privelege speech ni Senador Jinggoy Estrada: Damay-damay sa
masalimuot na pork barrel o PDAF (Priority Development Assistance Fund). Idinamay ang maraming mambabatas – at may ilan pang pribadong sektor – sa pagkulimbat ng naturang pondo na lagi nang pinag-uugatan ng katiwalian.
Subalit hindi ito nangangahulugan na ang naturang mga bintang ay makatitindig sa korte, wika nga. Manapa, marami ang naniniwala na ang nasabing pagbubunyag ay tila bumalandra pa kay Estrada. Pati ang liderato ng Commission on Audit ay hindi nakaligtas sa sinasabing bomba na pinasabog ng Senador. Namili umano ito ng mga isinailalim sa auditing system – pawang mga miyembro ng oposisyon at walang kabilang sa naghaharing Liberal Party. Sabi niya: selective justice is injustice.
Nakahihiya na ang milyun-milyong pisong bahagi ng PDAF ay ipinambili pa umano ng mga sandwiches na ipinamahagi ng ibinulgar na mambabatas sa kanyang mga nasasakupan o constituent. At may nakalulula ring halaga na nailipat sa sariling mga foundation ng mga mambabatas.
Isipin na lamang na pati ang pagkakapatalsik kay dating Chief Justice Corona ay nabahiran din ng kamandag ng PDAF. Dito nanggaling umano ang P50 milyon – na ayon sa marami ay suhol – upang matiyak ang conviction ng Punong Mahistrado. Ang naturang halaga ay tinanggap ng mga Kongresista na naging instrumento sa pagsasampa ng impeachment case laban kay Corona.
Bigla itong inalmahan ni Senador Miriam Santiago, isa sa mga bumoto laban sa pagpapatalsik kay Corona, na nanggagalaiting nanawagan sa kanyang mga kapuwa mambabatas, lalo na sa mga Senador: Ibalik ninyo ang P50 milyon.
Marami pang pinasabog na mga akusasyon si Estrada. Subalit kahit na ano ang sabihin ng sinuman, ang lahat ng ito ay pawang mga damay-damay lamang na batay sa mga sapantaha. Iba ang damaydamay na suportado ng matitibay na ebidensiya matapos salain ng ating mga hukuman.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment