Umabot sa kabuuang bilang na 143 ang mga aplikante sa unang PBA Developmental League Rookie Draft na gaganapin bukas sa PBA Office sa Libis, Quezon City.
Kabilang sa nasabing listahan ang 27 Fil-foreign applicants na pinangunahan ng Filipino- Italian na si Chris Banchero, isa sa aabangang manlalaro.
Magkakaroon ng pagkakataon na unang pumili ang anim na koponang kalahok sa liga na pawang founding members nito na kinabibilangan ng NLEX, Blackwater Sports, Café France, Cebuana Lhuillier, Boracay Rum at Big Chill.
Hawak ng Café France ang No. 1 pick rights at susundan sila ng Cebuana Lhuillier, Boracay Rum, Big Chill, Blackwater Sports, at ng league 4-time champion NLEX.
Matapos ang anim na founding members, susunod na pipili para sa No. 7 pick ang Cagayan Valley, ikawalo ang Hog’s Breathe Café at pinakahuli ang Jumbo Plastic Linoleum.
Ang nasabing order of selection para sa nabanggit na tatlong bagong teams ay nadetermina sa pamamagitan ng lottery.
Lahat ng mga bagong player ay ni-require na sumali sa Rookie Draft para maging eligible sa paglalaro sa darating na 2014 PBA D-League na magsisimula sa darating na Oktubre 24 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ilan pa sa mga kilalang pangalan na sasali sa draft ay sina Jerold Nielsen Asaytono, anak ng many-time PBA All-Star at Mythical Team selection member na si Nelson Asaytono at Josemarie Adornado na anak naman ng dating three-time PBA Most Valuable Player na si William “Bogs” Adornado.
Nangingibabaw ang 24-anyos na si Banchero sa hanay ng mga aplikante dahil napatunayan na nito ang kanyang husay nang maging isa siya sa key players ng San Miguel Beermen sa kanilang pagkapanalo ng titulo sa nakaraang Asean Basketball League championships kung saan napili bilang Finals MVP ang 6-foot-1 pointguard na buhat sa Seattle Pacific
University. – Marivic Awitan
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment