Friday, January 17, 2014

WALANG PANGALAN

Nang tumayo ka para paupuin ang matandang pasahero, may nakakita sa iyo. Nang tulungan mong makatawid sa kabilang kalsada ang maliliit na mga batang papasok sa eskuwela, may nakakita sa iyo. Nang huminto ka para kausapin ang isang babaeng umiiyak na nakaupo sa isang tabi, may nakakita sa iyo.



Nang ngumiti ka sa kapwa mo driver ng ten-wheeler truck, sabay busina bilang pagbati, may nakakita sa iyo. Nang huminto ka at tumabi sa kalsada para tulungan ang isang nasiraan ng sasakyan, may nakakita sa iyo. Nang tumawid ka para tulungan ang matandang nasagi ng sasakyan at napatimbuwang, may nakakita sa iyo.


Nang ngitian mo at batiin ang isang estudyante mo na nagtitinda sa palengke, may nakakita sa iyo. Nang paunahin mo sa pila sa grocery ang isang nanay na may akay pang maliit na bata, may nakakita sa iyo. Nang damputin mo ang nakakalat na instant mami at ibinalik iyon sa shelf, may nakakita sa iyo.


Nang magpaalam ka sa boss para mag-half day at makabisita sa naospital mong kaibigan, may nakakita sa iyo. Nang mahinahon kang pumagitna sa dalawang kaopisinang nagkakainitan ng ulo, may nakakita sa iyo. Nang bigyan mo ng meryenda ang janitor dahil natanggap mo ang bonus n’yo, may nakakita sa iyo.


Nang tulungan mong magbuhat ang kasabay na babaeng pasaherong may malaking dala-dalahan, may nakakita sa iyo. Nang ibili mo ng gamot ang katrabaho na nanghihina sa sobrang pananakit ng ulo, may nakakita sa iyo. Nang magkusa kang magpahiram sa estrangherong pasahero na kinapos ang pambayad ng tiket sa eroplano, may nakakita sa iyo.


Sa araw-araw na pag-inog ng buhay mo, ang bawat munting bagay na ginagawa mo para sa ibang tao, may nakakakita sa iyo. Ikaw man ay nag-iisa na sa buhay, o malayo sa sariling pamilya, o isang tinalikuran na o kinukutya ng iba; ikaw na sa kabila ng kakulangan ng pag-ibig ng iba sa iyo ay nagbabahagi ng sarili mo sa kahit estranghero—may nakakita sa iyo. At ipinasa nila sa iba ang tahimik na pag-ibig mo. Wala ka mang pangalan, ang ibinahagi mo sa mundo ay pakaiingatan nito.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



WALANG PANGALAN


No comments:

Post a Comment