Thursday, January 30, 2014

CBCP makikipagdayalogo kay PNoy

HUMIHILING muli ang mga Obispo ng Simbahang Katoliko kay Pangulong Benigno Simeon Aquino III ng dayalogo kasunod nang mabagal pa ring pag-usad ng land reform program.


Nagpahayag rin naman nang pagka-dismaya ang mga Obispo dahil nakatakda na namang mapaso ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa Hunyo 30 ngunit mabagal pa rin umano ang pagpapatupad ng pamahalaan sa land acquisition at distribution.


Nabatid na simula Hulyo 2010 hanggang Hunyo 2013, nakapagbigay lamang ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng notices of coverage (NOC) sa may 314,422 hektarya ng lupa kumpara sa original CARP balance na 1.2 milyon hektarya.


Nangangamba rin ang mga Obispo na hindi na mabigyan pa ng NOC ang mga natitira pa at mga ‘most resistant agricultural landholdings’ bago sumapit ang deadline.


Kaugnay nito, nagpaabot na rin ng liham sa pangulo ang mga Obispo ng National Secretariat for Social Action, Justice and Peace (NASSA) at hiniling na muling palawigin ang CARP hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2016.


“Mr. President, we support the thinking of DAR that legislation is needed to give CARP two more years to put all the pieces in place to achieve its social reform objective. These two years coincide with the remaining two years of your administration and will assure a lasting legacy of the centerpiece program of Former President Corazon C. Aquino,” bahagi ng liham ng mga Obispo.


Kasabay ng planong pagmamartsa ng mga magsasaka, humiling rin ng dayalogo ang mga ito at sinabing, “major decisions have to be made and actions taken before the deadline on both the strategic direction of CARP and the institutional capability of the government to accomplish these strategies, as well as the commitments of your administration to the farmers.”


Ipinaalala pa nila sa pangulo na ang deadline para sa CARP at acquisition at distribution ay sa Hunyo 30 na ng taong ito kaya’t dapat na madaliin ang aksiyon.


Kabilang sa mga lumagda sa apat na pahinang liham ay sina Nassa chairman at Caceres Archbishop Rolando Tirona, Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Palo Archbishop John Du, Tandag Bishop Nereo Odchimar, Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma, Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud, Capiz Archbishop Jose Advincula, Jolo Bishop Angelito Lampon, at Basilan Bishop Martin Jumoad, gayundin sina Attorney Christian Monsod, co-convenor of Sulong CARPER, CBCP-NASSA executive secretary Fr. Edwin Gariguez, at executive committee representative Sr. Ma. Eden Orlino.


The post CBCP makikipagdayalogo kay PNoy appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



CBCP makikipagdayalogo kay PNoy


No comments:

Post a Comment