Friday, January 31, 2014

SA NGALAN NG PAMILYA

PASAPORTE-BY-JR-LANGIT TAON-TAON, maraming Filipino, ama man o ina, kuya, ate o maging bunso man, ang nagdedesisyong makipagsapalaran sa ibang bansa para humanap ng mas magandang bukas para sa kanilang mga pamilya.


Sa marami-rami na ring kwento ng ating mga kababayan na aking narinig at iba’t ibang tao na aking nakilala sa mga bansang aking napuntahan, halos iisa lamang ang kanilang mga rason sa pakikipagsapalaran at pandarayuhan sa isang banyagang bansa: mabigyan ng mas maginhawang buhay ang kanilang mga pamilya at kaanak.


Isa si Lea Caguingin sa libo-libong Filipino na umaasa sa kanyang pagtatrabaho sa Malaysia na giginhawa at gaganda ang buhay ng kanyang mga mahal sa buhay. Sa isang kompanya sa Maynila unang nagtrabaho si Lea, subalit maliit at hindi sapat ang kanyang kinikita upang makatulong sa mga gastusin ng kanyang mga kapatid na noon ay nag-aaral pa. Kaya nagdesisyon siyang lisanin ang bansa at magtungo sa Malaysia, kahit na tila suntok sa buwang maituturing ang pag-alis niya.


Sa tulong ng kanyang ina na nagtatrabaho rin sa nasabing bansa ay nakarating siya roon bilang isang turista, kaya’t walang tiyak na trabahong naghihintay sa kanya. Sa tulong na rin ng mga kaibigan ng kanyang ina, ay pinalad siyang makapagtrabaho bilang isang office assistant.


Subalit hindi nakaiwas si Lea sa problema, dulot ng kawalan ng working visa.


“Naka-one year plus ako roon. Kaya lang ‘yung panahon noon ay mahirap. Hirap na hirap ako noon doon, china-chop-chop lang ‘yung passport mo, ang hirap,” kuwento niya.


Dahil halos sapat lang ang kanyang kinikita upang may maipanggastos siya at maipadala sa mga kapatid na naiwan sa Pilipinas, hindi magawang ayusin ni Lea ang kanyang mga dokumento at papeles upang maging ligal ang pagtatrabaho niya. Pagbalik niya sa Pilipinas, isang dating kaibigan at kaopisinang Malaysian ang nag-alok sa kanya ng kasal upang makabalik at maging ligal na ang pagtatrabaho niya sa Malaysia.


Alang-alang sa mga kapatid na kanyang pinag-aaral, bagama’t labag sa kanyang loob sapagkat wala siyang nadaramang pag-ibig para sa kaibigan ay napapayag na rin siyang magpakasal.


Mapalad pa rin si Lea, sapagkat ang pagsasama nila ng kanyang asawa ay tuluyang nauwi sa pag-iibigan at nang makabalik siya sa Malaysia ay nakakuha siyang muli ng trabaho bilang sekretarya ng isa pang Pinoy roon.


Sa kasalukuyan, marami pa ring Filipino ang kagaya ni Lea Caguingin na sa ngalan ng pamilya ay patuloy na nakikipamayan sa ibang bansa at umaasa na mabibigyan ng higit na magandang buhay ang pamilya kahit pa kapalit nito ay hirap, peligro at matinding kalungkutan at pangungulila nila.


*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa PTV-4 tuwing Miyerkules, 8:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fanpage: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.


The post SA NGALAN NG PAMILYA appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



SA NGALAN NG PAMILYA


No comments:

Post a Comment