Wednesday, January 29, 2014

KABI-KABILANG TRAPIK SA NCR

_bobby ricohermoso KAMAKAILAN lang ay nagbabala si Metro Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino hinggil sa inaasahang sobrang pagsisikip ng trapiko sa malaking bahagi ng Kalakhang Maynila sa darating na mga buwan.


Ito ay dahil na rin sa gagawin ng DPWH na mga kalsada, underpass at interconnecting highway, na inaasahang magpapaluwag ng daloy ng trapiko sakaling matapos ang mga ito ilang taon mula ngayon.


Pero bagama’t sa Hulyo pa nang taong ito sisimulan ang nasabing mga proyekto ay kapansin-pansin naman na ngayon pa lang ay tila wala nang katapusan ang problema sa trapiko sa maraming lugar sa NCR.


Halimbawa na lang sa Makati na kabi-kabila ang paghuhukay sa maraming major street, lalo na iyong malapit sa Kalayaan Avenue hanggang sa mga sidestreet na malalapit sa central business district at maging sa may city hall.


Iyon ngang walang hinuhukay ay sobrang trapik na, iyon pa kayang panay hukay at butas ang mga kalsada? Ano kaya ang masasabi rito ni Mayor Jun-jun Binay?


Sa Maynila naman ay tinatawagan ko rin ng pansin si Pangulong Mayor Erap Estrada dahil tila inutil ang mga traffic enforcer niya na lutasin ang sobrang pagsisikip ng trapiko sa maraming bahagi ng lungsod.


Napakaraming reklamo ang tinatanggap ko, lalo na mula sa mga estudyante na tulad nina Robin at Anika, na incidentally ay nagdiriwang ng kanilang anniversary ngayon.


Lagi raw silang late sa klase at ang marami pang ibang estudyanteng tulad nila dahil sa sobrang trapik sa may University Belt, España at maging ang mga side street sa may Sampaloc hanggang Tondo area, sa Maynila.


Inirereklamo rin ng mga motorista at mga commuter ang sobrang trapik sa Taft Avenue malapit sa De La Salle University hanggang sa may Vito Cruz St. sa may Rizal Coliseum.


Mukhang ipinaubaya na ng mga barangay leader doon ang lugar sa mga vendor at kuliglig driver dahil sila na ang naghahari-harian doon, kaya ang resulta ay sobrang gulo at grabeng trapik.


Maliban sa mga nasabing lugar ay napakarami pang mga matatrapik na lugar sa NCR tulad ng Quezon City, San Juan at maging ang kahabaan ng EDSA, pero tila walang kumikilos para lutasin ang mabigat na suliraning ito.


Hindi kaya kinokondisyon na ng mga urban planner natin ang mga tao sa matinding trapiko, para nang sa ganoon ay hindi na sila umangal sakaling simulan na ang mga big ticket project sa Hulyo?


The post KABI-KABILANG TRAPIK SA NCR appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



KABI-KABILANG TRAPIK SA NCR


No comments:

Post a Comment