Wednesday, January 29, 2014

KATOTOHANAN DAPAT MANAIG

_bong padua MARAMI ang nagulantang sa sinapit ni Vhong Navarro.

Sa totoo lang, ‘di naglaro sa aking isipan na isang araw ay mabubugbog ng ganoon kagrabe, at binaboy pa raw ito, ayon na rin sa pahayag ng dancer/comedian-actor.


Marami nang kawing-kawing na balita ang lumabas matapos ang diumano’y panggugulpi kay Vhong sa isang condominium sa Taguig.


Ang sabi ng sikat na mainstay ng noontime show na ‘It’s Show Time’ sa Channel 2, siya’y binugbog at tinangkang kotongan ng hanggang P2 milyon.


Sa kanya pa ring pahayag, isang Cedric Lee, kasama ang ilan pang kalalakihan ang bumugbog at bumaboy sa kanyang pagkatao.


Nakaaawa talaga ang hitsura ni Vhong kaya tulad ng napakaraming nakapanood sa balita sa telebisyon, galit ang naramdaman sa mga nambugbog.


Mabuti’t lumabas si Lee at iginiit na kaya ginulpi si Totoy Bibo ay dahil nahuli raw ito habang nagtatangka itong gahasain si Deniece Cornejo.


Pinabulaanan din ni Lee na kinikikilan ng kanyang grupo si Vhong, at ipinaliwanag na ang hinihinging halaga ay bayad sa nasirang mga gamit sa condo kung saan nangyari raw ang tangkang panggagahasa.


Nagsalita na rin si Cornejo at pinatotohanan ang pahayag ni Lee na siya nga ay tinangkang halayin ni Vhong.


Sa mga kuwento sa pangyayari nina Vhong, Cornejo at Lee, kumbaga sa baraha, ‘di mo na batid kung ano ang alas, king o queen.


‘Di na natin alam kung sino sa kanila ang tama at nagsasabi ng totoo.


Nagpadagdag pa ng problema ay ang kabobohan ng mga tauhan ni SPD director C/Supt. Jet Villacorte na unang nakaalam sa pangyayari.


Saan ka naman nakakita ng mga pulis na dinala na sa kanila ang krimen pero tumunganga lamang at ‘di ginagawa ang nararapat.


Maliban na lang kung may itinatago ang mga bata ni Gen. Villacorte kaya siguro hindi ginawa ang kanilang sinumpaang trabaho.


Dahil naguguluhan na rin marahil sa pahayag ng magkabilang panig, umentra na ang NBI. Aba’y dapat lang para magkaalaman na.


Hustisya ang isinisigaw ni Vhong, gayundin nina Cornejo at Lee, kaya dapat manaig ang katotohanan.


The post KATOTOHANAN DAPAT MANAIG appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



KATOTOHANAN DAPAT MANAIG


No comments:

Post a Comment