Friday, January 17, 2014

Sixth Man Award, igagawad sa Filipino basketball fans

Hindi makalilimutan ang Filipino basketball fans, sinasabing pinakamarubdob sa buong mundo, sa pagbibigay-pugay ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa mga pinakamagaling at nagningning noong 2013 isang linggo mula ngayon.


Dahil sa insipirado at buong pusong pagsuporta sa Gilas Pilipinas sa kampanya nito sa FIBA-Asia Men’s Championship, ang masugid na mga tagasuporta ng men’s national team na nakakopo ng puwesto sa world championship sa unang pagkakataon matapos ang 35 taon ay gagawaran ng Sixth Man Award ng pinakamatandang organisasyon ng media sa Annual Awards Night nito na handog ng MILO kasama ang Air21 bilang major sponsor.



Sina Philippine Basketball Association (PBA) commissioner Chito Salud at Board of Governors chairman Ramon Segismundo ng Meralco ang tatanggap ng award sa ngalan ng Filipino fans sa Enero 25 sa Centennial Hall ng makasaysayang Manila Hotel.


Tinawag ni Coach Chot Reyes ang Filipino crowd bilang kanyang makapangyarihang `Sixth Man’ sa 11 araw na pagsabak ng Gilas sa qualifier para sa FIBA-World Cup noong nakaraang Agosto sa kanilang pagdagsa sa Mall of Asia Arena at hindi iniwan ang kanilang minamahal na koponan, manalo man o matalo.


Ang pagbuhos ng suporta ay lalong nakita sa semifinal match sa pagitan ng Pilipinas at long-time rival na South Korea nang pinuno ng 19,000 fans ang MOA Arena at binigyan ang Nationals ng enerhiya at inspirasyon na kanilang kinailangan upang makuha ang 86-79 panalo na nagselyo para sa bansa ng tiket para sa world championship at ang gold medal match kontra Iran.


“The crowd really helped this team along and helped us play with a lot of energy,” lahad ni Reyes tungkol sa naging papel ng Filipino fans sa kampanya ng Gilas.


Dahil dito, kinilala ang Gilas Pilipinas bilang 2013 Athlete of the Year ng PSA sa taunang affair nito sa pakikipagtulungan ng Smart Sports, Philippine Sports Commission, Senator Chiz Escudero, Accel at 3XVI, Philippine Charity Sweepstakes Office, Rain or Shine, Globalport, Philippine Basketball Association, ICTSI-Philippine Golf Tour, SM Prime Holdings, at Philippine Amusement and Gaming Corp.


Si Manny V. Pangilinan, kinikilala bilang pinakamalaking tagapagtaguyod ng pambansang koponan at presidente ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang tatanggap ng Executive of the Year award, habang ang President’s Award ay igagawad naman sa pool players na sina Rubilen Amit, Dennis Orcollo, Lee Van Corteza at Calamba, kasunod ng mabungang taon sa kanilang larangan na kinakitaan ng kanilang pagsungkit ng world titles.


Magbibigay din ng award para sa bukod tanging national sports association ng 2013, Lifetime Achievement, Mr. Football, at Miss Volleyball sa pormal na pagtitipon na mapapakinggan ng live sa DZSR Sports Radio 918.


Ang iba pang ipamimigay, maliban sa Sixth Man Award, ay ang Milo Junior Athlete Awards, Tony Siddayao Award para sa deserving youth athletes, at mga citation para sa mga nanalo ng gintong medalya sa Southeast Asian Games sa Myanmar at ibang personalidad at grupo, at posthumous awards para sa mga namayapang tagasuporta ng isports sa Pilipinas.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



Sixth Man Award, igagawad sa Filipino basketball fans


No comments:

Post a Comment