Naging mainit na ang bangayan nina Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso Alcala at Sanlakas party-list group president Atty. Argee Guevarra kaugnay ng paratang sa Kalihim na siya ang nasa likod ng “Quezon mafia” na kumukontrol sa importasyon ng bigas.
Ito ay matapos mapikon si Alcala sa patutsada sa kanya ni Guevarra at sinabing pakawala lamang ito ng mga smuggler.
Paliwanag ng abogado, ang nasabing kasagutan sa kanya ni Alcala ay “irresponsable lalo na’t isa itong miyembro ng Gabinete.”
“Hindi ako makapaniwala na ganyan pala mag-isip ang kalihim ng isang kagawaran at miyembro ng Gabinete. Ako ay walang naging kliyente, walang kliyente ngayon na sinumang involved sa importasyon. Puro mga public interest case ang hawak ko ngayon. And I don’t have any links with rice smugglers,” paglilinaw ni Guevarra.
Nauna nang inakusahan ni Guevarra si Alcala na “nagpapadrino” sa mga iniluklok nitong taga-Quezon sa DA at dawit din sa anomalya sa palabigasan ng bansa.
Pinanindigan din ang naging akusasyon nitong si Alcala ang nasa likod ng “Quezon mafia.”
Nilinaw din ni Guevarra na marami pa ring matitinong opisyal sa DA ngunit ang mga taong ipinuwesto ni Alcala ay pawang tiwali.
Inaasahang ibubunyag ni Guevarra ang iba pang miyembro ng mafia sa susunod na mga araw.
Tiniyak din ni Guevarra na kakasuhan pa nito ng pandarambong si Alcala sa lalong madaling panahon at ito ay may kaugnayan sa P11.4-bilyong maanomalyang paggastos ng National Agribusiness Corporation (NABCOR), ang ahensyang pinangangasiwaan ng DA.
Si Alcala ay tumatayong ex-officio chairman ng NABCOR. – Rommel P. Tabbad
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment