Wednesday, January 1, 2014

SAAN KUKUHA?

sibol5 ANG Pinoy raw ay laging mahaba ang pasensya at malawak ang pag-asa, lalo tuwing Kapaskuhan.


Kaya kapag ang mga survey ay ginagawa tuwing panahon ng Pasko ay mataas ang lalabas na antas na positibo.

Positibo na magbabago ang gobyerno, positibo na aangat ang buhay, positibo na may magandang pag-asa sa papasok na Bagong Taon.


Kahit mahirap ang naging karanasan, tulad ng mga nasalanta ng mga kalamidad ay laging may ngiti, hindi malalim ang pagdadalamhati at handang magbigay lagi ng paulit-ulit at isa pang pagkakataon. Saan kaya humuhugot ng ganitong pananaw at disposisyon ang Pinoy?


Ang sabi nila ay sa relihiyon, ang sabi ng iba ay dahil sa matibay na kapit sa pamilya, ang ilan ay handa lang lagi sa paliwanag na – Pinoy kasi at only in the Philippines.


Pero dapat ay may malinaw na pagkukunan ang pag-asa. Pag-asa ng magandang buhay pero dapat ay may kaakibat na kasipagan, tatag ng loob at paninindigan.


Ang isang kakilala ko, laging masaya, laging ang sabi niya, maganda ang nakikita niyang bukas para sa kanya. Pero walang trabaho, laging nakatambay sa kanto, masayahin pero walang plano. Mali. Ang magandang disposisyon ay dapat itinutulak ng sakripisyo at matinding pagtatrabaho.

May isa rin akong kakilala na

taga-Leyte, nawala ang lahat niyang ari-arian dahil sa Yolanda pero hindi sumuko. Ang kanyang magandang disposisyon ay nagtulak sa kanya para sandaling iwan ang bayan, nagtitinda ng kakanin ngayon sa Quiapo pero nag-iipon.


Ang araw niya ay nagsisimula ng alas-tres ng madaling araw at natatapos hangga’t may bumibili ng kanyang paninda. Pero sa tantiya niya, isa o dalawang buwan lang ay may puhunan na ulit siya para muling mag-umpisa sa kanyang naiwang probinsya kung saan matiyagang naghihintay ang kanyang pamilya. Alam niya kung saan kumukuha ng pag-asa. Hindi lang sa salita kundi sa gawa.


May mga banta ng mahirap na Bagong Taon pero may pag-asa, sabi ng mga eksperto. Dapat lang may plano at sa unang araw pa lang ng 2014 ay isulong ito at umpisahan. Ang pag-asa ay nasa puso ng Pinoy pero magiging malaking tulong lang ito sa buhay kung kikilos ang bawat isa para ang isang pag-asa ay maging isang tagumpay.


The post SAAN KUKUHA? appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



SAAN KUKUHA?


No comments:

Post a Comment