HAYAN, nagpakawala na naman ng balita si Department of Environment and Natural Resource (DENR) Secretary Ramon Paje.
Kesyo nakagawa raw sila ng mahigit isang milyon na punla o seedlings para raw sa proyektong National Greening Program ng kanyang boss na si Benigno Aquino III (BA3).
Sa batayan ng balita, maganda at mahalaga ito kung magagawa – ang reforestation program – ng kanya mismong ahensiya. Actually, dapat nga na imbestigahan ngayon ang DENR sa kamay ni Paje dahil noon ay marami ang DENR Nursery na nagpapatubo ng punla at mga tauhan mismo ng ahensiya ang nagtatanim.
Ngayon, puro Memorandum of Agreement (MOA) na lang ang kanyang inisyatibo para magkaroon ng dagdag na nursery at maparami ang punla ng
punong-kahoy. Ang tanong, saan at sino naman ang nagtatanim ng mga iyan, Secretary Mon?
Malaki ang budget para sa isang nursery. Kasama sa badyet ang pagbili raw ng buto. Kahit alam natin na ilan sa masisipag na foresters ay matiyaga na nagtitipon ng mga buto ng punong-kahoy sa lugar na kanilang inaalagaan. At tulad ng nabanggit, saan napupunta ang badyet para sa mga DENR Nursery?
* * * * *
MAGKAKASUNOD na high crimes ang ating nabalitaan. Ang ilan diyan ay ang walang putol na balita sa mga natamaan ng ligaw na bala nitong Pasko at Bagong Taong 2014.
Paulit-ulit na istorya, walang kasagutan o resulta ang mga ginawang imbestigasyon.
Binaril mismo sa harap ng kanilang bahay ang asawa ng kilalang abogado na nagsabing siya ang target ng mga bumaril sa kanyang inosenteng maybahay.
Makailang ulit na ba ang ganitong krimen sa mga subdibisyon na may mga guwardiya na mahihigpit daw? Hindi na rin mabilang.
Ang asar, itong Intsik na nahuli sa Resorts World Casino & Hotel. Kita sa CCTV ng casino ang paghahabol ni Jerry Sy na sinabing high roller player at VIP member pa ng Resorts World. Hinahabol niya ang isang tao para patayin pero napigilan.
Ang siste, nang dumating ang mga pulis para dalhin si Sy sa presinto ay nakakuha ang mga awtoridad ng maraming baril, bala, granada, patalim, spike at iba pa sa kanyang kotse!
Tanong, mga ginoo ng Pambansang Pulisya, papaano nangyari iyon? Ang higpit ninyo sa pagbibigay ng lisensiya ng baril at Permit to Carry Outside the Residence (PTCFOR) sa mga lehitimo na mamamayan pero ang luwag ninyo na bantayan ang mga tulisan o kriminal! Hindi naman kayo siguro kasabwat ng kriminal?
Maganda ang layon ng Gun Control Law pero suriin muna ninyo ang laman nito. Sa halip na magpursige kayo na hulihin lahat ang may baril na walang lisensiya, pinag-iinitan ninyo ang mga ligal na may-ari ng baril.
Mga sir, kung totoo na gusto ninyong ipatupad ang batas na iyan, linisin muna ninyo ang Mindanao!
The post NAGYABANG ANG DENR AT ANG GUN CONTROL LAW appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment