MAY pagbabago na kaya na maaasahan mula sa pambansang pamahalaan sa taong ito? At maging sa mga lokal na pamahalaan?
Sabi ng isang survey, 94 porsyento ang umaasa ng magandang pagbabago sa pagpasok ng Bagong Taong ito, 2014.
Pero sa nakikita natin, wala. Kung mayroon man, pawang higit na kamalasan siguro.
Tingnan ninyo, parekoy, pagpasok ng Enero 1, agad na nagtaas ng presyo ng petrolyo ang mga kompanya ng langis.
Ang reaksyon ng gobyerno ni PNoy?
Nganga!
Nagrolbak naman nang kaunti ang presyo ng liquified petroleum gas, pero kung hindi pa unang nagrolbak ang halimbawa’y LPG Marketeer’s Association, malamang na hindi nagrolbak ang mga kompanya ng langis.
Heto pa, parekoy. Tataas na rin anomang araw mula sa buwang ito ang pamasahe sa LRT at MRT. Magkano?
Wala pang tiyak na halaga pero malaki-laki ang kakaltasin nito sa pang araw-araw na sahod ng mga obrero at estudyante.
Noong una, sinasabing magtatayo ang gobyerno ng mga LRT at MRT para magiging magaan sa bulsa at mabilis ang pagbiyahe ng mga mamamayan at malinis ang kapaligiran ng Metro Manila mula sa polusyon. Ngayon, maglalaho nang parang bula ang pagiging magaan sa bulsa nito. At tila sinasadya naman ang pagtirik-tirik ng mga tren upang magkaroon ng rason para sa pagtataas ng pamasahe.
Ito na nga na lamang sana ang isang maibibigay na magaan na serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan, kabaligtaran pa ang magaganap.
Ayaw gumastos ng pamahalaan para sa mga mamamayan at ang gusto nito ay laging busugin sa tubo ang mga kompanya, gaya ng mga may-ari ng LRT at MRT at kompanya ng langis.
‘Di bale nang magkandahetot-hetot ang buhay ng mga mamamayan. Gaya ng pagkakandahetot-hetot hanggang ngayon ng mga magsasaka at obrero sa Hacienda Luisita.
‘Di ba, pinagbubuldoser ang mga tanim ng mga magsasaka at obrero sa hasyenda nang sana’y mag-aani na sila kamakailan?
The post PASAMA NANG PASAMA ANG PAGBABAGO SA 2014 appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment