Friday, January 3, 2014

DROGA

baletodo SUNOD-SUNOD ang matagumpay na operasyon ng mga ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa bawal na gamot lalo na ang shabu. Nanguna ang Philppine Drug Enforcement Authority (PDEA), sunod ang PNP AIDSOTF at ang National Bureau of Investigation (NBI). Ano pa nga kundi congratulations sa inyong lahat. Sana nga ay maging mas maigting pa ang inyong operasyon kontra-droga, ‘yung iligal na pumapatay ng matinong buhay lalo na sa kabataan.


Lamang, sa tagal natin noon sa police beat, nasaksihan natin ang mga kalakaran ng mga awtoridad na ang misyon ay kontra iligal na droga. Nandiyan ang “palit-ulo” lang para tuloy ang ligaya na parang may gatasang baka, nandiyan ang “bangketa”, nariyan din ang “hulidap”, lalo na ang “tanim-bulsa” na pinagkakakitaan ng mga tiwali na operatiba.


Nitong nakaraan sa lalawigan ng Batangas ay napurnada ang sindikato sa LPL Ranch na sinabing pag-aari ni parolado at dating Batangas Gov. Antonio Leviste. Hayun, may halo rin pala ng pulitika. Dahil kilala ang LPL bilang pag-aari ni Leviste, pinaputok na sa mga balita na sangkot si gob?


Sa huli, lumabas na sindikato pala ng regular na mga tarantadong Intsik at pinalabas pang Mexican drug syndicate. Aba, mga pulis, ahente at PDEA, mga sir, lumalaki na talaga ang Pilipinas, ha.

Nasabi tuloy na tayo ang bansang sentro ng iligal na droga. Masaya ba kayo riyan?


Ang hirap kasi, wala tayong sentralisadong ahensiya kontra droga. Kaya itinatag ang PDEA ay para manguna rito pero sinasabayan sila ng PNP at NBI, eh. Hindi maiaalis na maghinala ang taumbayan na ilan sa kanila ay direkta na protektor ng droga. Sinong ahensiya sa palagay ninyo?


Ilan na ang nasakote na mga Intsik? Ilan na ang nilusob na drug laboratories? Ilan na ang nahuli sa kanila at kumusta naman kaya sila sa kulungan man o sa laya?


Sa mga kulungan tulad ng National Bilibid Prisons (NBP)at lahat ng provincial at local jails, maniwala kayo’t hindi, malakas ang bentahan ng iligal na droga riyan. Tulad sa NBP na nakakulong ang ilan sa “malalaking isda” ng iligal na droga, sa halip na magdusa at mapahirapan sa krimen nila, aba hindi po. Tuloy ang ligaya, protektado na, lalong big time pa! NBP Director?


Noon pa man, ang Pilipinas ang main transit point ng lahat na iligal na negosyo ng iba’t ibang sindikato. Sentro ito sa mapa ng silangan at kanluran. Estratehiko para sa lahat ng negosyante ng mundo. Kaya nga maski mga base militar noon (hanggang ngayon?) ay gustong-gusto rito sa atin.


Kaya mismo ang sindikato ng droga ay alam ito. Kaya naman, pati ang drug cartel ng Mexico, hayan na! Kaya ba ng mga awtoridad natin na wasakin sila?


The post DROGA appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



DROGA


No comments:

Post a Comment