Bagamat bahagyang nangalawang sa nakaraang “holiday break,” nakuha pa ring maitala ng defending men’s champion National University ang kanilang ikalimang sunod na panalo matapos pataubin ang Ateneo de Manila, 17-25, 25-21, 25-20, 18-25, 15-9 kahapon sa pagpapatuoy ng aksiyon sa UAAP Season 76 volleyball tournament sa Fil-Oil Flying V Arena sa San Juan City.
Pinangunahan ng reigning MVP na si Peter Den Mar Torres ang nasabing 5-setter win ng Bulldogs sa kanyang naitalang 18 puntos na kinabibilangan ng 15 hits at 3 blocks.
Nag-ambag naman ang kakamping si Berlin Paglinawan ng 14 puntos na kinapapalooban ng 12 hits habang nagdagdag naman si Reuben Inaudito ng 13 puntos para sa panalo na inabot ng 1 oras at 42 minuto.
Nawalan naman ng saysay ang itinala ni Marck Jesus Espejo na game-high 20 puntos matapos na bumaba ang Blue Eagles sa kanilang ikatlong pagkatalo sa loob ng limang laro.
Una rito, maganda naman ang naging panimula ng taong 2014 sa nakaraang taong second runner-up De La Salle matapos nilang maitala ang ikalawang tagumpay sa limang laban nang pataubin ang University of the East sa loob ng straight sets, 25-21, 25-16, 25-18.
Muli, nanguna para sa Green Archers si Red Christensen na umiskor ng game-high 21 puntos habang wala ni isa man sa Red Warriors ang nakapagtala ng double digit.
Dahil sa kanilang kabiguan, nanatiling walang panalo ang UE makaraan ang unang lima nilang laban. – Marivic Awitan
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment