MALINAW NA MALINAW na bopols sa row 4 ang mga pulis na tumanggap ng blotter ng mga nambugbog kay comedian-TV host Vhong Navarro. Sa protocol ng PNP, kung may nagrereklamo o inirereklamong dumating sa presinto na duguan at bugbog-sarado, dapat, e, ipinapatingin ito sa doktor.
Kailangang makuhanan ng medical certificate ang isang nabugbog mula sa ospital bilang katibayan na walang kinalaman ang mga pulis sa pananakit sa isang suspek. Alam naman kasi na usong-uso ang ginagawang pag-torture ng mga pulis sa isang nahuhuling kriminal.
Si Vhong ay isang “suspek sa attempted rape” nang dalhin sa pulis ng mga taong gumulpi sa kanya. Kahit pa sabihing tumatanggi siya na magpadala sa ospital, pinilit pa rin siya dapat ng mga pulis at ineskortan patungo sa pagamutan. Subalit pinabayaan si Vhong na muling makaalis kasama ng mga suspek matapos ang ginawang pagpapa-blotter ng babaeng kasabwat.
Sinabi ni Vhong na muli siyang ibinalik sa condo ng mga suspek para ihatid sa kanyang kotse at pinauwi kasabay ng pagbabanta na huwag magsusumbong kahit sa media.
At bakit si Vhong ang nakapirma sa blotter? Hindi ba dapat, e, ‘yung babaeng nagrereklamo na tinangka raw siyang reypin? Halatang pinilit ang police blotter.
Sino ba ang pulis na mukhang kasabwat ng grupo ni Deniece Cornejo at Cedric Lee? Malakas yata ang impluwensiya ng mga hunghang sa presintong iyon.
Bago sana maaresto ang mga nang-abuso kay Vhong, dapat munang dakpin at kasuhan ang pulis-Taguig na walang kasing bopols sa PNP.
Pati ang kanyang hepe ay pagbabatukan nang matuto ng leksiyon. Ito ay isang malinaw na kapabayaan at kung malaliman pang sisiyasatin ay isang malaking katiwalian.
***
Nakiangkas na rin si Pangulong Aquino sa isyu ng riding-in-tandem. Dapat daw aniyang mai-ban ang mga nakamotorsiklong may angkas.
Halimbawang may mag-asawang nakaangkas sa motor patungo sa papasyalan pero hindi naman kriminal, kakasuhan na ba sila at aakusahang riding-in-tandem criminals.
Wala namang masama kung gustong linisin ang hanay ng mga nagmomotorsiklo sa kriminal lalo’t dumarami ang krimen na sangkot ang riding-in-tandem. Pero bago sana umepal si PNoy, unahin niya ang mga tandem sa gobyerno na sangkot sa mga pagnanakaw ng pondong bayan.
Isang halimbawa ‘yang isyu sa pork barrel. Maraming nagta-tandem sa mga ahensiya ng gobyerno, partikular sa DPWH, para pagnakawan ang taumbayan.
The post BOPOLS ANG MGA PULIS SA KASO NI VHONG appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment