TAON-TAON na lang na may namamatay na manggawang Filipino sa Hanjin Shipyard sa Subic.
Ito Ang Totoo: pinakahuling namatay sa Hanjin si Bonifacio Alparca, 26, welder, nito lamang nakaraang linggo, matapos masunog sa pagsabog ng hose na gamit nito.
May iba pang mga nasaktan subalit mukhang naperpekto na ng Hanjin ang maniobra para masupil ang impormasyon kaya halos wala nang lumalabas na balita sa yarda ng Koreanong kumpanya.
May Senate inquiry na noong 2009 dahil sa rami ng nangangamatay na Filipino habang nagtatrabaho, pero parang namasyal lang si Senador Jinggoy Estrada kaya matapos makausap ng Koreano ay ayos na.
Maging si Senador Pia Cayetano ay naghain pa ng resolusyon para sa imbestigasyon pero hanggang ganoon na lang.
Kawawa talaga ang mga manggagawang Filipino sa Hanjin. Puro sila empleyado ng mga Koreanong “sub-contractor” at walang proteksiyon, walang unyon, kahit mahigit 20,000 sila roon.
May mali sa situwasyon ng mga manggagawa sa Hanjin at kung talagang may malasakit si Pangulong Noynoy Aquino, hindi niya palalampasin ito, lalo pa at siya na ang Pangulo.
Ito Ang Totoo: kung walang gagawin si PNoy sa situwasyon sa Hanjin, lalabas na puro lang siya hangin.
Dapat niyang pagpaliwanagin ang Dept. of Labor at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa patuloy na pagkamatay ng mga Filipino sa Hanjin.
Sana makita na rin ang hindi makataong kalagayan ng mga manggagawa sa Hanjin, mula sa pagmaltrato ng mga manager at bi-sor na Koreano, hanggang sa napa-kababang pasahod at hindi ligtas na kapaligiran para magtrabaho.
Pati pagkain ng mga mangga-gawang Filipino na kopo ng kontra-tistang Koreano ay inirereklamong pambaboy at hindi pang-tao.
May kikilos nga ba gayong magaling nga sa maniobra ang mga opisyal ng Hanjin para busalan ang mga kinauukulan at maging pagre-report sa media ay napipigilan?
Malala na ang kalagayan ng obrero sa Hanjin sa Subic at kung hahayaan itong lumala, marami pang buhay ang walang kapararakang mawawala. Ito Ang Totoo!
The post NAMAMATAY SA HANJIN PATULOY appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment