May bago na namang “prinsipe” ang Simbahang Katoliko sa Pilipinas. Siya ay si Cotabato Archbishop Orlando Quevedo na hinirang ni Pope Francis bilang bagong Cardinal ng bansa. Sa ngayon, iisa lang ang Cardinal ng Pilipinas—si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle. Ang Pinas ang tanging Katolikong bansa sa Asya noon hanggang sa maging isang bansa ang East Timor na katoliko rin ang mga mananampalataya. Retirado na sina Cardinal Rosales at Cardinal Vidal.
Bagsak na naman ang performance rating ni PNoy batay sa Pulse Asia survey sanhi diumano ng laganap na kritisismo sa kanyang administrasyon bunsod ng malamya, mabagal at di-episyenteng pagtugon sa pinsalang likha ng supertyphoon Yolanda at pagkalinga sa mga biktima at survivors. Tama ba noon si CNN anchor Anderson Cooper?
Tototo ba ang balita noong Martes na mula noong 2002 hanggang 2011, ang pamahalaan ay nawalan o nalugi ng revenue na P1.33 trillion dahil sa smuggling na idinaan sa mga pantalan (ports) ng bansa? Kaylaking halaga nito na kung hindi sa pagpapabaya ng mga kinauukulang pinuno o pakikipagsabwatan nila sa mga demonyong smuggler, hindi sana nawalan ng gayong kalaking halaga ang gobyerno!
Siyanga pala, sino bang talaga si “David Tan” na isa raw “Goliath” sa Bureau of Customs at nasa likuran ng multi-bilyong pisong smuggling na ikinalugi ng P7 bilyon sa nakalipas na 2 taon. Sa Bibliya, si David ang kumitil sa higenteng si Goliath, ngunit sa Customs Bureau, siya ngayon ay isang “Goliath”. What an irony, wika nga sa English!
Alam ba ninyong kinumpiska ng Sandiganbayan ang tatlong jewelry collections ni ex-First Lady Imelda R. Marcos na nagkakahalaga ng mula sa $110,055 hanggang $153,089 bilang bahagi diumano ng “nakaw na yaman”? Idineklara ng korte na ito ay “nakaw” kung kaya ipinababalik sa gobyernong Pinoy! Ito raw ang pinakamaliit sa kanyang mga koleksiyon.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment