Saturday, January 11, 2014

BAGONG ‘FISHERY REGULATION’ NG BANSANG TSINA

puntong-marino-atty-edgard-arevalo MAY bago na namang alituntunin ang Tsina. Bawal ang mangisda sa kanilang “teritoryo.”


Sasamsamin ang lahat ng huling isda at mga gamit pangisda at papatawan ng multang hindi hihigit sa 500,000 Yuan (o Php3.3 Milyon) ang mahuhuling lumalabag. Ang sinasabi nilang kanilang “teritoryo” ay ang nasasakupan ng walang basehang “nine-dash line.” At ang “siyam na guhit” sa mapa ng karagatang kanilang inaangkin (subalit walang basehan sa UNCLOS) ay sumasakop din sa malaking bahagi ng West Philippine Sea—kasama ang 200 Nautical Mile Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.


Maliwanag ang pattern ng Tsina sa pagbibigay ng mga pansariling deklarasyon. Sinimulan muna nitong ipaalala muli sa mundo ang kanyang “nasasakupang” katubigan na napapaloob sa “nine dash line.”

Matapos ‘yun, nagdeklara naman ang Tsina ng Air Defense Identification Zone (ADIZ) sa East China Sea na may layuning iitsapwera ang mga bansang kanugnog nito sa silangan na lumipad sa papawirin na “nasasakupan” nito.

Hangad nitong makamit ang seguridad sa kanyang air space.


Hindi nakapagtatakang ang kasunod na naging hakbang ng Tsina ay ang pinakahuli nitong deklarasyon. Sa naturang pagbabawal sa pangingisda sa karagatang sakop ng South China Sea, walang makapangingisda sa dakong ‘yun nang walang pahintulot ng Tsina. Layon ng pagbabawal ang food security para sa kanyang mamamayan.


Wala pa namang marahas na hakbang ang Tsina laban sa mga sumusuway sa kanyang mga deklarasyon. Subalit malinaw ang mga nakasulat sa pader, at ang mensahe ng Tsina ay tila: “Wala kaming sisinuhin.”


Maraming insidente na ang napabalita kung saan ang kinikilalang

nag-iisang superpower sa mundo, ang Amerika, ay kanya nang sinampolan.

Napabalita ang nangyari sa barko ng Amerika na USS Impeccable kung saan sinasabing muntik na silang magkabanggaan ng isang barko ng Tsina matapos tawirin ng huli ang direksyong binabagtas ng una.


Gayundin ang barkong USS John McCaine na ang kanyang towed array ay sinira ng isang submarinong diumano’y pag-aari ng Tsina.

Pinakahuli ay ang insidente na muntik nang magkabanggaan ang isang barkong pandigma ng Tsina at ang USS Cowpens noong ika-5 ng Disyembre 2013. At ang pinaka-finale kumbaga ng pagpapakita ng Tsina ng kanyang military muscle ay ang paglulunsad at paglalayag ng kanyang pinakaunang aircraft carrier, ang Liaoning.


Ang huling pagbabawal ng Tsina sa pangingisda sa karagatang “sakop” nila ay tuwirang nakaaapekto sa kabuhayan ng mga mamamayan sa mga bansang umaangkin sa pinag-aagawang teritoryo.


Sa ganang Pilipinas, nililinaw ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas kung anong ibig sabihin ng Tsina sa kanyang pagbabawal gayong ang lugar pangisdaang kanyang sinasaklawan ay bahagi pa ng ating 200 nautical mile EEZ.


Mas malaman ang napaulat na sagot ng tagapagsalita ng kaparehong tanggapan sa bansang Vietnam. Aniya, iligal at walang basehan ang anomang aktibidad sa Paracels at Spratlys nang walang permiso ng kanyang bansa.


Kung ating lilimiin, ang bansang may kakayahang ipatupad ang kanyang deklarasyon ay nananaig. Ang mga mangingisdang Tsino ay pumapasok na sa loob ng EEZ ng Pilipinas. Sa mapanirang pamamaraan, kinukuha nila ang mga yamang-dagat ng bansa. At habang ginagawa nila iyon, nakamasid sa ‘di kalayuan ang mga bapor pandigma ng Tsina.


Sa pagsasabing iligal ang anomang pangingisda sa teritoryo nito na walang permiso ng Vietnam, may malakas na Navy na may submarinong nagmamatyag upang magtaboy ng mga dayuhang papasok sa kanyang EEZ.

Noong magdeklara ng ADIZ ang Tsina sa East China Sea, lumipad ang mga eroplanong pandigma ng Hapon at ng South Korea sa mismong papawiring sakop ng ADIZ na idineklara ng Tsina na tuwirang humahamon at sumusubok sa pagbabawal.


Sa iisang sitwasyong kinahaharap, mapayapang solusyon ang hanap ng ating bansa laban sa mapangahas na hakbangin ng Tsina. Dumulog tayo sa International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS) at nagsampa ng kaso. Sapagkat sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa, hindi pa sapat ang ating kakayahang tanuran o patrulyahan ang malaking bahagi na ating nasasakupan. Bagama’t nasa direksyong pagpapalakas na tayo ng ating Navy at Air Force,

mahaba-habang panahon pa ang gugulin bago natin makamit ang tinatawag nilang minimum credible deterrence dahil sa “magkakasalungat” na mga prayoridad.


Maraming suliranin ang ating bansa: edukasyon, kalusugan, at iba pang serbisyong panlipunan. Wika nga ng iba nating kababayan, bago armasan ang gwardiya, pag-aaral at kalusugan muna ng mga anak. Subalit sa kasalukuyang mga kaganapan sa West Philippine Sea, hindi ba prayoridad ding may kakayahan tayong protektahan at masiguro ang kapakanan, kabuhayan, kalikasan, at kinabukasan ng ating mga kapwa Filipino at ng susunod pang henerasyon?


Sa isang pulo-pulong bansa na tulad ng Pilipinas, ang malakas na Navy ang kailangan. Sa isang malakas na Navy, hindi ibig sabihin ay nais na nating makidigma. Hangad natin ay dignidad at paggalang mula sa pamayanan ng mga bansa. Hindi natin hangad ang isang blue Navy na maglalayag sa pitong karagatan ng daigdig, hangad lamang natin ay isang Hukbong Dagat na may sapat na kakayahan upang maitaboy at mabawalan ang sinomang may masamang hangarin sa ating bansa, sa likas na yaman, at mamamayan nito.


Buksan natin ang ating isip. Panahon na para pag-ibayuhin natin ang kakayahan ng ating mga gwardiya.


(Para sa inyong reaksyon:

edarevalo90@yahoo.com or i-tweet: atty_edarevalo)


The post BAGONG ‘FISHERY REGULATION’ NG BANSANG TSINA appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



BAGONG ‘FISHERY REGULATION’ NG BANSANG TSINA


No comments:

Post a Comment