Monday, October 7, 2013

Painting Festival sa TARLAC


Sinulat at mga larawang kuha ni LEANDRO ALBOROTE


PINAYAYABONG ngayon sa lalawigan ng Tarlac ang tinatawag na ‘Painting Festival’ na naglalarawan ng iba’t ibang anyo ng kasaysayan sa ating kapaligiran.


Naunang itinampok sa galerya ng SM Mall Tarlac ang mga iginuhit na larawan ni Benigno ‘Ninoy’ Aquino, Jr. na nagsilbing inspirasyon ng sambayanang Pilipino.



Ang pagguhit ng larawan ay isang paraan upang maipabatid ang ibig ipakahulugan ng alagad ng sining hindi sa pamamagitan ng salita lamang.


Naging atraksiyon sa mga mamamayan at ilang dumayong mga turista ang kanilang nasaksihang painting festival sa SM Mall Tarlac na pinanalunan ng iginuhit ni Alfredo Baluyot ng Lauang Cupang, La Paz, Tarlac na pinangalanan niyang “Natatanging Alaala”. Iginuhit niya ang damit na isinuot noon ni Ninoy Aquino.


Hinangaan din ang iginuhit na larawan nina Crisanto Aquino ng Matayumtayum, La Paz, Tarlac at Weriel Mallari ng Capas, Tarlac na nagwagi sa ikalawa at ikatlong puwesto, ayon sa pagkakasunod, na may titulong “I am a Filipino” at “Lahing Pinagpala”.


Ang paligsahan sa pagguhit ay isinagawa rin sa lungsod ng Tarlac na nilahukan ng mga estudyante ng College of Architecture and Fine Arts (CAFA) ng Tarlac State University (TSU). Sila ay nagpakitang gilas sa Human Rights Awareness Mural Painting Contest na pinangasiwaan nina Magdalena ‘Mhagz’ Pineda, chairperson ng HR Desk, Province of Tarlac; Christopher Ku, trainer CHR; Architect Marco Bildan, dean, CAFA, TSU; Rowena de Roselina, Samuel Nicdao, at Professor Oscar Pecson, chairman ng CAFA, TSU.


Labing-tatlong pader ang ginamit ng mga kalahok sa mural painting contest na ang slogan ay “Karapatang Pantao, Iguhit Mo”.


Nakapaloob sa paksa ang human trafficking, demolition, land-grabbing, illegal detention, illegal logging, terrorism, bullying and torture; abortion, exploitation, prostitution & slavery, massacre & summary execution at iba pa.


Nagwagi ang pinakamagandang interpretasyon nina Mark Kenneth Garcia at Arron Ralph Tiamson na nagkamit ng P3,000.00. Pumangalawa naman si Divine Grace de la Cruz na nagkamit ng P2,000.00; pangatlo sina Arvin Dizon, Regie Salvador, at Jocelyn Saguilan — P1,000.00. Pang-apat sina Alfredo Baluyut, Adrian Paolo David, Necel Pineda at Cherry Ronquillo at panglima sina Edward Ramos, Evangelin Diamsay, Ruziel Maye Ringor, Jethro Lorenzo at Anne Camille Uy na pinuri sa kanilang partisipasyon.


Matatandaan na inihayag ni dating PNP Chief Director General Nicanor Bartolome na ang kabiguan sa pagpapatupad ng karapatang pantao ay kabiguan sa pagsugpo ng krimen.


Bilang pagsunod sa Republic Act No. 9201 na lalong kilala sa tawag na Karapatang Pantao, inilarawan ng CAFA students ng TSU ang nakapaloob dito sa pamamagitan ng mural painting contest na ikinasiya ng mga mamamayan ng Tarlac at mga bumibisitang turista sa pamamatnubay nina Tarlac Governor Victor Yap, City Mayor Gelacio ‘Ace’ Manalang at ng tourism office sa Tarlac na naglalayong maisulong ng todo ang turismo sa probinsiya.


100_9976 100_9985 100_9988

.. Continue: Balita.net.ph (source)



Painting Festival sa TARLAC


No comments:

Post a Comment