Tuesday, October 29, 2013

MGA TULAK AT ADIK NA MGA OPISYAL NG BARANGAY

BIGWAS_Gil Bugaoisan MARAMING importanteng balita mula sa ilang sangay ng pamahalaan ang hindi nabibigyan ng pansin dahil na rin sa walang katapusang mga isyu tungkol sa pork barrel scam at iba pang katiwalian sa gobyerno.


Tapos na ang halalan sa barangay ngunit may mararamdaman kaya tayong pagbabago sa ating mga komunidad? O baka naman gaya ng dati ay sa unang mga araw lang magpapasiklab ang mga taong ating inihalal upang pangasiwaan ang ating mga barangay at pagkatapos nito ay

hindi na naman natin sila kayang asahan.


Kung tutuusin, napakahalaga ang ginagampanang tungkulin ng ating mga kapitan at kagawad sa bawat barangay sa ating bansa. Sila ang pangunahing takbuhan ng ating mga mamamayan sa ating mga lingkod-bayan. Sila ang pangunahing sandalan ng ating mga kababayan pagdating sa kaayusan at kapayapaan ng kani-kanilang mga komunidad.


Marami na tayong narinig na success stories sa ating mga komunidad dahil na rin sa magagaling at mahuhusay nilang mga opisyal sa barangay. Ngunit mas marami pa ring barangay ang hindi umuunlad at bagkus ay lalo pang nagiging pugad ng mga salot dahil nga sa mga pabayang barangay official.


Noong Lunes ay ipinagkaloob sa atin ang karapatang linisin mula sa mga bulok at pulpol na opisyal na barangay ang ating mga komunidad. Sa kabilang banda ay binigyan din tayo ng pagkakataong pagtibayin ang ating suporta sa mga tunay na lingkod-bayan sa pamamagitan ng eleksiyon.


Gayunpaman, tila marami pa rin sa ating kababayan ang hindi ginamit ang pagkakataong ito para mapabuti ang kanilang mga pamayanan. Umiral pa rin ang kabobohan ng napakarami nating kababayan na ipinagpalit sa kakaunting pera at pagkain ang kanilang mga boto.


Hindi na ako magtataka kung lalo pa ngayong darami ang mga barangay na pamumugaran ng mga tulak ng droga at mga tinatawag na shabu tiangge dahil napakarami umano sa mga tumakbong opisyal ng barangay ang pinaniniwalaang may koneksiyon sa mga sindikato ng droga.


Grabe raw gumastos ang mga ito at talagang nagpamudmod ng mga pera at pagkain upang makapamili ng mga boto. May mga nanalo pang kapitan at kagawad na kilala sa kanilang mga komunidad na tulak at adik. Paano kaya nagawang manalo ng mga ito? Ganoon na ba talaga kabobo ang marami sa ating mga kababayan at ni hindi man lang nila inalam ang pagkatao ng mga taong kanilang ihinalal?


Sana ay tingnan ito ng Philippine Drug Enforcement Authority at ng Department of Interior and Local Government upang hangga’t maaga ay hindi na makapaghasik ng kasamaan itong mga walang kwentang opisyal ng barangay. Ngayon pa lang ay kailangang malansag na ang mga sindikato ng droga na kinakasangkapan ang kanilang kapangyarihan sa pamahalaan upang sirain ang kinabukasan ng kanilang mga sariling kabarangay.


****


Para sa inyong suhestiyon at komento, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.


The post MGA TULAK AT ADIK NA MGA OPISYAL NG BARANGAY appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



MGA TULAK AT ADIK NA MGA OPISYAL NG BARANGAY


No comments:

Post a Comment