Napanatili ng Ateneo ang men’s crown habang kinubra ng De La Salle ang kanilang unang women’s title sa UAAP Season 76 judo tournament na nagsara noong Linggo sa Blue Eagle Gym.
Hinablot ni Season Most Valuable Player Matt Jao ang +100 kgs gold medal habang ibinulsa ni Anjo Gumila ang -90 kgs mint upang pamunuan ang Blue Eagles sa 47 puntos at kamkamin ang kampeonato.
Ang Katipunan-based judokas, naging kampeon rin sa Season 73, ay umani rin ng tatlong silver at anim bronze medals.
Pinadapa ng Ateneo, napasakamay ang “Three-Peat” mula 2008 hanggang 2010, ang University of the Philippines, natamo ang runner-up honors na taglay ang 35 puntos. Pumangatlo naman ang De La Salle na mayroong 32 puntos.
Samantala, pinasiklab ng Lady Archers ang kampanya nang itarak ang 42 puntos o 3-2-1 gold-silver-bronze medal haul upang tapusin ang mahabang 21-taong title drought sa UAAP judo.
Kinilala si Nikki More, kinamkam ang gold medal sa -57 kg category, bilang MVP. Nagwagi rin ng golds sa De La Salle sina Justine Pongase (+78 kgs) at Marjorie Santiago (-63 kgs).
Sumegunda ang Lady Eagles sa Lady Archers na isinalansan ang 29 puntos. Nagtala rin ang University of the East ng 29 puntos ngunit nagkasya na lamang sa ikatlong puwesto sanhi ng inferior quotient.
Tumapos ang rebuilding University of Santo Tomas (UST), winalis ang men’s at women’s divisions sa huling dalawang seasons, sa ikaapat sa nasabing mga kategorya. Pinamunuan ng nakaraang taong MVP na si Al Rolan Llamas, naiposte lamang ng Growling Tigers ang 19 puntos.
Napasakamay ni Ateneo’s Ralph Sapi ang Rookie of the Year honors sa men’s division, habang si Loreli Tolentino ng UST ang naging top rookie sa distaff side.
Sa juniors division, nakamit uli ng Blue Eaglets ang kampeonato nang hablutin ang lahat ng nakatayang pitong gintong medalya. Tumapos ang Ateneo na mayroong 91 puntos kung saan ay dinispatsa nila ang La Salle-Zobel (19) at nakaraang taong kampeon na UST (15). Tinanghal si Rean Gonzales ng Blue Eaglets bilang Rookie-MVP – Christelle R. Gatuz
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment