Walong koponan, sa pamumuno ng nagtatanggol na kampeong Hope Christian High School, ang maglalaban-laban para sa National Capital Region elimination leg ng Shakey’s Girls Volleyball League Season 11 na magbubukas sa darating na Linggo, Nobyembre 3, sa Ninoy Aquino Stadium.
Sisimulan ng Hope ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng pakikipagtuos sa Miriam College ganap na alas-3 ng hapon matapos ang opening day game sa pagitan ng National University at ng University of Santo Tomas ganap na ika-2 ng hapon.
Bago ang mga nasabing mga laro, magkakaroon ng maikling programa para sa opening na sisimulan ng alas-1 ng hapon kung saan panauhin sina Shakey’s president and CEO Vic Gregorio, Metro Sports president Freddie Infante at tournament
director Johanz Buenvenida.
Sa iba pang mga laban sa unang araw ng torneo, maghaharap naman ang De La Salle-Zobel at ang King’s Montessori School sa ikatlong laban ganap na alas-4 ng hapon bago ang huling laro sa pagitan ng St. Scholastica’s College at ng Angelicum sa ika-5 ng hapon.
Naka-bye naman para sa opening day ang mga koponan ng Jubilee Christian High School at MGC New Life Christian Academy.
Ang magkakampeon sa NCR eliminations ay makakasama ng iba pang mga magwawagi sa pito pang mga regional eliminations para sa Tournament of Champions na gaganapin sa Enero 13-17,2014 na idaraos din sa Ninoy Aquino Stadium.
Kasali din sa naturang Tournament of Champions ang mga koponang galing sa Australia at sa New Zealand na pinangungunahan naman ni coach Tomas Santamaria ng Australian Volleyball Association.
Nauna nang nakapasok sa Tournament of Champions ang mga koponan ng University of San Jose-Recoletos, Central Philippine University, Leyte National High School at Angeles University Foundation matapos magwagi sa kani-kanilang mga regional eliminations.
Tinalo ng USJ-R ang St. Theresa’s College sa loob ng limang sets para manguna sa Central Visayas qualifier na ginanap sa Cebu City habang nakalusot din sa isang 5-setter ang CPU laban sa St. John’s Institute sa Western Visayas finals.
Ginapi naman ng Leyte National High ang New Ormoc City National High School para sa Eastern Visayas leg plum na ginanap sa Tacloban City habang dinaig ng AUF ang Holy Angel University sa loob din ng limang sets para maangkin ang Central Luzon title sa larong idinaos sa Angeles City.
Samantala, magaganap naman ang Mindanao eliminations sa Nobyembre 14-17 sa Davao, ang Northern Luzon leg sa Nobyembre 21-24 sa Baguio at ang Southern Luzon event naman ay sa Nobyembre Nov. 27-30 sa Imus City, Cavite.
Ang dalawang linggong NCR tournament ay itinataguyod ng Shakey’s sa tulong ng Mikasa, Asics, Tune Hotel, Burlington, BioFresh, Food Health at Science Magazine. – Marivic Awitan
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment