May karagdagang benepisyo ang mga senior citizen sa Tagaytay City, dahil simula ngayong Oktubre ay tatanggap sila ng P3,000 cash incentive kada taon.
Inihayag sa selebrasyon ng Senior Citizens Week, matatanggap na ang nasabing karagdagang benepisyo kasabay ng pagpapatupad ng programang Benepisyo ng Tagaytay (BNT) para sa Senior Citizen sa lungsod.
Bukod sa pera, saklaw din ng programa para sa mga kuwalipikadong senior citizen ng siyudad ang libreng room accommodation kapag naconfine ang benepisyaryo sa Ospital ng Tagaytay.
Ang programa ay alinsunod sa ordinansa ni Cavite 7th District Rep. Abraham N. Tolentino, noong alkalde pa siya ng Tagaytay, na ipinasa at inaprubahan noong Enero 2013.
Saklaw ng BNT program ang lahat ng lehitimong residente at rehistradong miyembro ng Senior Citizens of Tagaytay at rehistradong botante ng lungsod. Ang lahat ng senior citizen sa siyudad na tumatanggap ng buwanang pensiyon mula sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS) at Veterans na nasa P3,000 pababa ay kuwalipikadong tumanggap ng nasabing cash incentive, gayunman, ang mga senior citizen na sumusuweldo kada buwan at may malaking buwanang pensiyon ay hindi na saklaw ng programa.
Ang mga senior citizen sa Tagaytay ay may regalo tuwing kaarawan, may diskuwento sa pagkain at gamot, may burial financial assistance at libre sa funeral services at cremation. – Christelle R. Gatuz
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment