Saturday, September 28, 2013

UST, kampeon sa women’s taekwondo

Upang maiganti ang pagkatalo ng kanilang mga kakampi, nakopo ng UST Growling Tigresses ang kanilang rekord na ika-12 kampeonato nang walisin lahat ng kanilang mga laban at tuluyan nang ibaon ang pait ng kanilang pinakamababang kampanya dalawang taon na ang nakararaan sa UAAP Taekwondo Championships noong Miyerkules sa FilOil Flying V Arena sa San Juan.



Sa likod ng 8-2 pagpulbos ni Jane Rafaelle Narra kontra Cyrmyr Perlas sa deciding bout ng middle-heavyweight category, tinapos ng University of Sto. Tomas ang pagrereyna ng De La Salle sa women’s division.


“Of course, I’m very happy with the win,” pahayag ng dating Olympian na si Jasmin Strachan-Simpao. “Matagal mula nu’ng huli naming natalo ang La Salle. This victory definitely erases the sting of our fourth place finish two years ago.”


Pumangalawa sa overall standings ang University of the Philippines matapos na makakuha ng 4-3 panalo ang Lady Maroons laban sa Lady Archers para sa 5-1 team record.


Pumangatlo ang DLSU lady jins sa kanilang kartadang 4-2. Hinirang na women’s MVP si Nicole Abigail Cham ng UST.


Samantala, naagaw naman ng DLSU ang korona mula sa Tigers na dalawang taong nangibabaw sa men’s division sa pamamagitan ng gitgitang labanan na nagtapos sa iskor na 4-3.


Naibulsa ng Green Archers ang ikawalo nilang titulo sa torneo kung saan ay sumandal sila kay Kristopher Robert Uy sa middle-heavyweight division kontra Jeico Lozano sa final bout upang maiposte ang 14-5 na panalo.


Agad namang nakabawi ang Tigers upang masiguro ang ikalawang puwesto nang malampasan nito ang Far Eastern University, 5-2. Nagkasya sa ikatlong puwesto sa overall ang Fighting Maroons nang magtala ng 4-2 rekord.


Ang bantamweight na si Kevin Sia ng Green Archers ang kinilala bilang men’s MVP.


Ang mga gold medalist sa men’s division ay sina Uy at Sia, Paolo Jasmines (finweight) at Keith Sembrano (lightweight) ng La Salle, Joaquin Mendoza (featherweight) at Christian Al dela Cruz (welterweight) ng UST at Aaron Agojo (flyweight) ng Ateneo.


Sa women’s division, ang mga nag-uwi ng ginto ay sina Cham at Narra mula UST, Alyssa Bonifacio (finweight), Jyra Lizardo (lightweight) at Leigh Ann Naguid (flyweight) ng DLSU, Gen Castillo (welterweight) mula UP at Sheryl Bordal (featherweight) ng National University.


.. Continue: Balita.net.ph (source)



UST, kampeon sa women’s taekwondo


No comments:

Post a Comment