Kadalasan ay napakahirap sa isang magulang, lalo na sa isang ina, na makita ang kanyang mga anak na nagbabangayan sa kahit na anong bagay.
Hangga’t maaari ay ayaw niyang may masaktan, may mabigo at magdamdam.
Ngunit sa kaso ng ina ng dalawa sa pinakamahusay na collegiate basketball players ngayon sa bansa na si Susan Teng, ang anak ay sina Jeron Teng ng De La Salle Green Archers at ang team skipper ng University of Santo Tomas Tigers na si Jeric Teng, mas gugustuhin niyang magkaharap muli ang kanyang mga anak sa darating na UAAP Season 76 men’s basketball tournament finals.
“Siyempre, gusto ko sana pareho silang panalo. Kaya lang hindi naman maiiwasan na kapag ‘yung mga team na nila ang magkalaban talagang may mananalo at may matatalo,” pahayag ng maybahay ng dating PBA superstar at tinaguriang “Robocop” na si Alvin Teng.
Ngunit a pagkakataong ito, hangad ni Susan na manalo ang koponan ng nakatatandang anak na si Jeric kahit pa ang kahulugan nito’y makatatapat nito ang nakababatang kapatid na si Jeron sa finals.
“We’re very very proud for both of them. At wala na sigurong sasaya pa sa aming pamilya kung parehong papasok ang team nila sa finals,” pahayag ni Susan.
At gaya ng dati, nang tanungin kung kanino siya susuporta, sakaling magkatapat ang La Salle at UST sa finals, mabilis din ang naging tugon nito na hati ang kanilang pamilya sa pagsuporta sa dalawa nilang binata.
Ngunit kahit aniya magkahiwalay silang nagtsi-cheer, batid naman umano ng kanyang mga anak na sa puso nila ay patas lamang ang suporta nila.
“Siyempre, may the best team win,” ayon pa kay Susan. – Marivic Awitan
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment