Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)
4 p.m. Letran vs JRU
6 p.m. Mapua vs Arellano
Ni Marivic Awitan
Maitala ang kanilang ika-11 panalo na magbabalik sa kanila sa pagkakaluklok sa ikalawang puwesto ang tatangkain ng Letran College sa muling pakikipagtuos sa Jose Rizal University sa pagpapatuloy ng ikalawang round ng 89th NCAA men’s basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan.
Hawak ng Knights ang barahang 10-3 na nasa likuran ng namumuno at defending champion San Beda Red Lions at ng University of Perpetual Help Altas na may taglay na barahang 12-2 at 11-4, ayon sa pagkakasunod.
Bukod sa hangad na makabalik sa ikalawang puwesto, inaasahan ding babawi ang Knights sa natamong 64-87 pagkatalo sa kamay ng Emilio Aguinaldo College Genereals sa nakaraan nilang laban na siyang nagbaba sa kanila sa ikatlong posisyon.
Sa panig naman ng kanilang makakatunggaling Jose Rizal University, sisikapin nilang tumatag sa kinalalagyang ikaanim na puwesto at makalapit sa sinusundang Emilio Aguinaldo College upang patuloy na buhayin ang tsansa nilang makahabol para sa huling slot sa Final Four.
Kasalukuyan silang napag-iwanan ng dalawang panalo sa Generals na may tangan na barahang 7-7.
Tatangkain ng Heavy Bombers na makaahon mula sa kinahulugang apat na dikit na kabiguan, ang pinakahuli ay sa Altas noong nakaraang Setyembre 16, 61-64.
Samantala, sa tampok na laro, kapwa naman mag-uunahan upang makabalik sa winning track ang Mapua at Arellano University sa kanilang pagtatagpo sa ganap na alas-4:00 ng hapon.
Sisikaping makabangon ng Cardinals sa labing-11 sunod na kabiguan habang target naman ng Chiefs na umahon mula sa nalasap na 59-70 pagdurog sa kanila ng Letran.
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment