Inangkin ni Karen Janario ng Leyte Sports Academy ang karangalan bilang fastest girl matapos niyang pamunuan ang iba pang ka-edad sa track event kahapon ng umaga sa Philippine Sports Commission-Philippine Olympic Committee Batang Pinoy Visayas qualifying leg sa Maasin City, Southern Leyte.
Ang 14-anyos na si Janario, produkto ng isang prototype na programa na kumukuha ng mga estudyante na may malaking potensiyal maging matagumpay na atleta, ay tila kidlat na tinakbo ang 100-meter dash sa 13.05 segundo para sa ikalawa nitong ginto sa torneo sa Southern Leyte Sports Complex sa loob ng Tomas Oppus Pilot School.
Una nang nagwagi si Janario sa 100m hurdles sa naitalang 15.58 segundo upang kuminang sa event na dinomina ng Cebu City at maging sa iba pang sports.
Ang host Maasin City, umaasang makikilala ang probinsiya sa pagsasagawa ng malalaking pambansang torneo, ay nakuha namang iuwi ang ikalawang gintong medalya mula sa futsal team kung saan ay tinalo nila ang Baybay B, 2-0, sa Badian Gym.
Humakot para sa Cebu City sina Ivan Miguel Santos at Jrict Ray Talicug ng tig-dalawang ginto habang ang Palarong Pambansa champion na si Anjelica de Josef ay nagtala din ng magkasunod na panalo.
Ang 14-anyos mula Lezo, Aklan na si De Josef ay nakilala noong nakaraang taon matapos itong magtala ng bagong Palaro elementary record sa 800m sa pagtakbo na nakapaa.
Kahapon ay idinagdag nito ang mga ginto sa 1,500m at 400m sa kanyang dumadaming medalya.
Si Santos, kinubra ang unang gintong medalya sa torneo noong Miyerkules, ay hindi napigilan sa kanyang ikalawang ginto sa pagwawagi sa boys 1,500m. Una itong nagwagi sa 5,000m kahit na nagkasakit ito mula sa ilang oras na pagbiyahe papunta sa torneo.
Hinablot naman ni Talicug ang boys century dash gold, bago isinunod ang 400m upang idagdag sa nakolekta ng Cebu City na may kabuuan ng 50 ginto, 32 pilak at 14 tanso. Kasunod nito ang Bohol Province sa napagwagiang 22-32-14 kahit na kasali lamang sa swimming.
Ang Negros Occidental, nagpadala lamang ng atleta sa taekwondo at badminton, ay nakipagsagupa nang husto sa Cebu City sa taekwondo sa Maasin City gym kung saan hinakot nila ang limang gintong medalya.
Nagwagi ang NegOcc mula kay Stephanie Marie Lamayo sa girls finweight, Kathleen Dinsay sa girls flyweight, Julienne Bermeji sa girls featherweight, Caroline Espinosa sa girls lightweight at John Michael Casana sa boys bantam.
Gayunman, humakot din ang Cebu City jins ng limang panalo sa tulong nina Kyle John Flores sa boys lightweight, Sal Luigi Estrada sa boys featherweight, Francis Louise Reyes sa boys flyweight, James Louise Callino sa boys finweight at Zozen Prajes sa girls heavyweight.
Tatlong boksingero naman ng LSA ang tumuntong sa semifinals na sina Ramil Pingol sa ant weight, Lester Carl Oledan sa minimum weight, at Diether Casida na pinabagsak ang taga-Consolacion, Cebu na si Christian Monilar upang umusad sa light mosquito sa Maasin Bus Terminal.
Umusad din sa medal round ng boxing sina local boy Louie Jay Forzado sa kiddie weight na sasagupain si Jefre Jiminez ng Cebu City; Joseph Novero Jr. ng Bacolod City na sasabak kay Pingol; ang Sogod, Southern Leyte na si Shen Kaduyong na haharap kay Oledan; si Lloyd Jabes Antoque ng Tagbilaran at Seos Vicente ng Mandaue City na umangat sa powder weight matapos ang 3rd round TKO kontra kay Wince Bretly Abas ng LSA. – Angie Oredo
.. Continue: Balita.net.ph (source)
No comments:
Post a Comment