MARAMING onli in da Pilipins sa Mamasapano encounter.
Kaya marami ang napatay na pulis at ngayo’y niyayanig ng tangkang People Power ang Pangulo ng bansa.
Si Pangulong Benigno Aquino III kasi ang binabagsakan ng sisi.
SUSPENDIDO ANG BOSS
Inginuso ni Gen. Getulio Napeñas si suspended Philippine National Police chief Alan Purisima.
Sa paggisa kay Napeñas ni Senator Chiz kahapon, pinanindigan nitong si Purisima ang humawak ng operasyon at wala ng iba pa.
Kaya naman kay Purisima siya nagre-report sa bawat hakbang niya sa operasyon laban kay teroristang Marwan. At si Purisima naman ang nag-uulat sa Pangulo.
Onli in da Pilipins na ang suspendidong pinuno ang bossing ng operasyon na napakalaki dahil isinangkot ang halos isang batalyon na pulis at mas malaking pwersa ng militar.
HINDI KASALI
Pinanindigan nina Department of Interior and Local Government Sec. Mar Roxas at Department of Defense Sec. Voltaire Gazmin na wala silang kaalam-alam ukol sa napakalaking operasyon laban kay Bin Laden of Asia na si Marwan noong Enero 25, 2015.
Magtatanghali na nang maimpormahan ang mga ito ng kani-kanilang mga tauhan.
‘Kaya nagkandarapa ang dalawa sa pagtulong sa mga namamatay at namamasaker na Special Action Force.
Wala palang silbi ang mga ganitong klaseng opisyal. Mas kinikilala ang pagkakaibigan bilang batayan ng pamamahala sa Pilipinas at laban sa terorismo kaysa ang opisyal na posisyon.
Onli in da Pilipins.
SA TEXT DINARAAN
Onli in da Pilipins din nagaganap ang paggamit ng texting sa operasyong pulis at militar na napakasensitibo.
Anak ng tokwa, kung gagamit ka ng text sa pagpapadala ng napakasensitibong mensahe gaya nga sa operasyon laban kay Marwan, anak ng tokwa, wala kang maitatago.
‘Yang sinasabing sikreto sa national security ay pupwedeng alamin ng simpleng technician ng mga kumpanyang Globe, Smart, Sun at iba pa. At sa sitwasyong ito, pupwedeng ibulgar kaagad ang mga mensahe para sa mga pambansang seguridad.
Isa pa, pupwedeng guluhin ng kalaban ang lahat ng mga mahahalagang mensaheng militar at pulis.
Sa ibang salita, pupwedeng isubo ng kalaban ang baril sa ating mga militar at pulis para matepok silang lahat.
Pupwede nilang pabagsakin ang gobyerno sa pagbubulid ng kasinungalingan at pangliligaw ng mga mensahe.
Nasaan nga pala ang mga world class na gamit sa komunikasyon ng world class na SAF natin?
SINUNGALING
Onli in da Pilipins din ang pagsisinungaling ng Palasyo sa mga mamamayan ukol sa kaalaman nila sa napakahalagang pangyayari.
Noong una, ang mga nasa baba ang sinisisi at pinalalabas na tanghali na o magtatakipsilim na nang sabihan nina Roxas, Gazmin at ng mga heneral sa pulisya at militar si PNoy.
Anak ng tokwa, nang magkaipitan na kahapon, madaling-araw pa lang pala, eh, alam na ni PNoy ang pangyayari.
Na nakuna na si Marwan at nakaligtas si Abdul Bassit Usman.
KAYA NAMASAKER
Kumpiyansa si PNoy na ayos ang lahat ng pagkilos ng SAF. Na handang tumulong ang militar sa SAF sa oras de peligro.
‘Yun pala, walang magawa ang militar dahil walang napapanahong koordinasyon ang SAF.
Saka na lang sila nakikipagkoordinasyon ‘pag namamasaker na sila.
Doon na rin lumitaw ang pagiging inutil ng mga militar dahil hindi pupwede ang kanilang mga tangke sa mga lugar ng labanan dahil maputik ang mga ito at lulubog at mapaparalisa lang ang mga ito.
Wala ring tao sa erya na gagabay sa manganganyon na militar kaya ayaw nilang kumilos.
Nangamba sila baka ang mga SAF mismo ang mamatay sa kanyon kaysa ang mga kaaway ng mga ito lalo’t nasa 30-50 metro lang ang pagitan ng mga magkakalabang panig.
Eh, ang sumasabog na bala ng kanyong Howitzer 105 ay pumapatay sa nasa 50-100 metro na binagsakan nito.
GOOD NEWS
Heto pa ang onli in da Pilipins.
Akalain ba nating hindi man lang ipinahawak kina PNoy ang daliri ni Marwan na sinasabing pinutol ng SAF.
Diretso agad ang daliri ni Marwan sa mga Kano.
Lumalabas tuloy na ang nagbibigay-direksyon sa operasyon ay mga Kano.
Sila ang tunay na bida at Boss at pawang mga suporting aktor lang sina PNoy at mga heneral at sekretari niya. At nakapagtatakang hindi man lang pinag-iinteresan ito na palalimin sa imbestigasyon.
Sapat nang pinatitindi ang awayan ng mga Pinoy para hindi mapansin ang pakikialam nila sa gobyerno ng Pinas.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment