Wednesday, February 25, 2015

5 paslit napabayaan, natusta sa sunog

DAHIL sa kapabayaan, mahaharap sa kasong kriminal ang mga magulang matapos matusta sa nasunog nilang bahay ang kanilang mga anak sa Sitio Bangkal, Bgy. Capinonan, Cabanglasan, Bukidnon.


Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na abala ang mag-asawang Richie at Anabel Lingoyan sa pag-inom ng alak at pagkanta ng videoke sa kapitbahay habang iniwan ang mga anak sa kanilang bahay.


Napag-alamang mga musmos pa ang kanilang mga anak na dalawang lalaki at tatlong babae na nasa edad na dalawa, tatlo, limang-taong gulang, 10 at 11.


Ayon kay Bukidnon Provincial Police Office spokesperson Insp. Jiselle Longgakit, posibleng ang naiwanang sinaing ng nakatatandang kapatid ng mag-asawa na si Angelo ang pinagmulan ng pagkasunog ng kanilang bahay na gawa sa light materials.


Sinabi ni Longgakit na may ilang oras na umanong nasa inuman ang mag-asawa kaya sinundo ng panganay na anak upang pauwiin at mabantayan ang lima nitong nakababatang kapatid na mahimbing na natutulog.


Subalit, hindi na naabutan ng mag-ina ang kanilang mga paslit na anak nang buhay dahil natupok na ng apoy ang kanilang bahay. Halos hindi na makilala ang mga bata dahil sa labis na pagkasunog ng mga katawan nito.


Inihayag naman ng opisyal na makailang beses na ring ginawa ng mag-asawa na iwanan ang mga bata habang sila’y abala sa pagbi-videoke at pagtoma.


Sa ngayon, hindi pa makunan ng pahayag si Angelo at maging ang mag-asawa dahil sa hirap ng mga itong matanggap ang nangyari sa kanilang mga anak.


Kaugnay nito, pinag-aaralan ngayon ng pulisya kung ano ang maaring maisampa na kaso laban sa mag-asawa lalo pa’t kung mapatunayan ang kanilang pagpapabaya bilang mga magulang. JOHNNY ARASGA


.. Continue: Remate.ph (source)



5 paslit napabayaan, natusta sa sunog


No comments:

Post a Comment